Pagpapahalaga sa Chinese New Year
MALAPIT na naman ang Chinese New Year. Hindi pare-pareho ang petsa ng pagdiriwang nito dahil nakadepende sa tinatawag na “lunisolar Chinese calendar” na nakabase naman sa paggalaw ng Araw at Buwan. Noong 2005 ay pumatak ito sa Pebrero 9, noong 2006 ay Enero 29, noong 2007 ay Pebrero 18; naging Pebrero 7 naman noong 2008; Enero 26 noong 2009; at Pebrero 14 naman noong 2010.
Ngayong 2011 ay inaasahang papatak ang naturang okasyon sa Pebrero 3, bilang pagsisimula ng “Chinese Year of the Rabbit.” Ang naturang okasyon ang itinuturing ng mga Chinese na pinakamahalagang pagdiriwang sa buong taon.
Kaugnay nito ay isinusulong ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang pagpapatibay sa kanyang Senate Bill Number 550 na pinamagatang “An act declaring the day on which Chinese New Year falls each year as a special working holiday as a sign of goodwill and amity between the Philippines and China.”
Binigyang-diin ni Jinggoy ang napakalaking kontribusyon ng Filipino-Chinese community sa ating ekonomiya, kalakalan, patrabaho para sa taumbayan, serbisyo sa komunidad at pati sa iba’t ibang progra-mang nakatutulong sa publiko. Ang mga malikhain at de-kalidad na proyekto at negosyo ng mga Filipino-Chinese ay kabilang sa malalaking dahilan kung bakit naaakit magtungo sa ating bansa ang maraming dayuhang turista at negosyante. Dagdag niya, ang Filipino-Chinese community ay isa sa pinakamalalaking ethnic Filipino groups sa bansa kung saan umaabot sa 22% ng ating populasyon.
Marapat na pahalagahan ng pamahalaan ang Chinese New Year sa pamamagi-tan ng pagdedeklara sa araw nito bilang special working holiday.
Ayon kay Jinggoy, ang ganitong hakbangin ay makatutulong nang malaki upang lalo pang tumatag ang pakikipag-kapatiran ng mga Pilipino sa mga Chinese at upang ibayo pang mapaunlad ang napakagandang relasyon ng ating mga lahi.
- Latest
- Trending