'Ang naligaw na bayani'

MARAMI SA ATING mga kababayan ang nabibigyan ng pag­kaka­taon na makapagtrabaho sa ibang bansa. May mga nabibigla dahil iba ang kultura at hindi mabilis nakaka-‘adjust’.

Meron din naman na akala mo’y bihasa na dahil sa tagal ng ka­nilang inilagi malayo sa kanilang tahanan at pamilya subalit du­ma­rating din ang pagkakataon na sila’y bumibigay pa.

Ganito tumakbo ang kwento na tampok sa araw na ito.

Mula pa sa Cabuyao, Laguna si Joanna Luna, 27 taong gulang. Kasama niyang nagsadya sa aming tanggapan ang kanyang ina na si Precerda Luna.

Inilalapit nila ang masalimuot na sinapit ng haligi ng kanilang tahanan na si Castor Luna, 55 taong gulang.

Dalawang araw itong nawala, hinanap at pagdating sa kanilang bahay, wala na sa sariling katinuan.

Si Castor ay dalawampu’t anim (26) na taong nagtrabaho sa Hyatt Borneo Management, sa bansang Brunei, Darussalam bilang ‘laundry supervisor’.

Kahit na siya’y supervisor hindi siya naga-atubiling siya mismo ang magplantsa ng mga damit ng importanteng taong naka ‘check-in’ sa Hyatt Borneo. Isa na rito si dating Presidente Gloria Macapagal Arroyo.

 Nagkaroon siya ng pagkakataong plantsahin ang mga damit ni PGMA.

Ika-26 ng Mayo 2010, isang tawag ang natanggap ni Joanna. Nagpakilala itong si Mr. Maturan, ‘manager’ ng Hyatt.

Sinabi din ni Mr. Maturan na papauwiin na si Castor dahil grabe na daw ang kundisyon nito. Sunduin daw sa ‘arrival area’ ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) I si Castor at dun na lang hintayin. Meron umano itong kasama na ‘medical assistant’ dahil hindi na normal ang pag-iisip nito.

Maagang dumating dun sina Joanna. Nag-abang sila sa ‘arrival area’.

Dumating ang eroplano ngunit walang Castor silang nakita.

Inakyat at nilibot nila ang buong NAIA . Nagtanong sila sa mga tao. May nakapagsabi sa kanila na meron daw nakitang lalaking Ingles nang Ingles at sa ‘departure area’ lumabas.

“Nanghingi kami ng tulong sa mga opisyales ng NAIA. Maraming beses din namin pina-‘page’ ang pangalan ni papa pero wala ring nangyari,” kwento ni Joanna.

Tinawagan nila si Mr. Maturan ngunit ito pa raw ang nagalit. Baka daw late silang dumating. Sumagot si Joanna na maaga sila dun.

Nagtanong si Joanna sa ‘staff’ ng Royal Brunei Airlines. Pinaliwanag sa kanya na wala naman daw pinapa-assist na Castor Luna sa kanila dahil kung meron ay lalagyan naman daw ito ng ‘tag’ sa damit ‘for identification’

“Kampante kaming pamilya na assisted si papa ng mga nurse ’yun pala basta na lang siyang isinakay sa eroplano,” sabi ni Joanna.

Hindi pa rin sila nawalan ng pag-asa. Hinanap nila si Castor. Si Precerda naghanap sa Luneta habang si Joanna naman ay nagpunta sa Cubao.

Dalawang araw nila itong hinanap sa mga lugar na maari nitong puntahan.

Habang hinahanap nila si Castor tumawag ang nakababata niyang kapatid na si Raiza, “Ate! Bilis umuwi na kayo, andito na si Papa,”.

Nagtaka sila kung paano ito nakauwi. Sinabi ni Raiza na bigla na lamang pumasok sa loob ng bahay, dumiretso sa ref, uminom ng tubig at nanghingi ng pagkain.

Nagmadali si Joanna at kanyang ina. Pagdating nila dun, nakita nila si Castor na madumi, mabaho at balisa.

Pagkakita ni Castor sa asawa sa halip na yakapin pinamano niya ito. Niyakap ito ni Precerda at naiyak na lang siya sa kundisyon ng asawa.

Sumigaw si Castor, “Huwag kayong lalapit! Ang baho niyo! Malansa kayo. Umiinom kayo ng dugo,”.

Nanghingi daw ito ng ‘baby oil’. Winisikan at binindisyunan nito ang buong bahay at kanyang mga anak.

Hindi din siya nakakakilala. Wala ding dala kahit anong gamit at tanging ‘passport’ lang sa bulsa ng pantalon ang meron ito.

Pina- ‘check-up’ nila si Castor. Ayon sa ‘findings’ ni Dr. Juan Villacorta, si Castor ay na-‘diagnose’ na may ‘schizophrenia’, isang ‘mental condition’ kung saan iba-ibang personalidad ang lumilitaw sa iisang indibidwal.

Pinainom nila ito ng gamot. Ilang buwan ang lumipas, nakakausap na si Castor ng maayos, sinabi nito na tinerminate daw siya sa kanyang trabaho.

Hunyo 2010, nagpunta sina Joanna sa Overseas Worker Welfare Association (OWWA).

Hinihiling nila Joanna na mabigyan sila ng kasagutan sa tunay na nangyari at estado Castor sa Brunei.

Ayon naman sa sagot ng OWWA Brunei na pinadala ‘through email’, Sinasabi daw ng ‘Human Resource manager’ na si Mr. Matusin, hindi daw terminated si Castor kundi nag- ‘resign’ daw ito noong ika-20 ng Mayo 2010.

Tungkol naman daw sa mga benepisyo, ibinigay na daw ang sweldo ni Castor para sa buwan ng Mayo hanggang Hunyo at ticket sa eroplano pabalik sa Pilipinas.

“Paano magre-resign ang tatay ko eh wala naman siya sa sarili. Pag-uwi niya wala siyang dalang pera at gamit. Sana matulungan niyo kami,” pahayag ni Joanna.

Itinampok namin ang istorya ni Castor sa aming programa sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon).

Para mabigyan ng tulong tinawagan namin si Under­se­cre­tary Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA). Pinapunta niya agad sa kanyang tanggapan si Joanna at inasistehan.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, nawala sa sariling pag-iisip itong si Castor habang siya’y nagtatrabaho. Kung nakakapag-desisyon ng maayos si Castor hindi naman magre-resign yan.

Taong 2009 pa lang ay may record na si Castor na siya’y sumailalim sa isang sa ‘psychiatric care’ sa Brunei. Ito ay nagpapatunay na wala siya sa tamang disposisyon para makagawa ng mabigat na desisyon.

Wala siyang tinanggap na benepisyo para sa kanyang halos tatlong dekadang pagtatrabaho (end of service benefits).

Sa huli naming pag-uusap ni Usec Seguis, siniguro niya sa amin na gagawin niya ang lahat para naman mapaimbestigahan ang kaso ni Castor sa ating embahada sa Brunei. Malaki ang ‘assurance’ na binibigay niya na hindi matatapos ang buwan makakatanggap tayo ng postibong resulta para sa pamilya ni Castor na umaasa na ang benepisyo na kanilang makukuha ay magagamit ng kanilang ama para matulungan itong lubusang gumaling.

Maari din niyang magamit ito para sa anumang negosyo na pwede niyang pagkaabalahan at maging ‘therapy’ para hindi niya masyadong isipin ang maraming bagay na makaka-apekto sa kanyang ‘mental state’.

Sa puntong ito nais ko ding sabihin na marami na kaming nailapit kay Usec. Seguis at sa DFA na talaga namang nabigyan ng kaukulang aksyon at positibong resulta. (KINALAP NI AICEL BONCAY)\

Ang aming programa sa radyo ay bukas sa anumang talakayan para sa mga complainants na walang kakayahang magpunta sa aming tanggapan. I-text niyo lamang sa mga numerong 09213263166 o sa 09198972854 at sasagutin namin on-air ang inyong problema. Ang landline 6387285 at ang aming 24/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.

 

* * *

Email address: tocal13@yahoo.com

Show comments