ISANG retired SC Justice, isang pa-retire pa lang na SC Justice at isang tinitingalang eksperto sa election law. Isa sa tatlo ang susunod na Chairman ng Commission on Elections. Yan ang balita ni Chairman Jose Melo.
Retired Assoc. Justice Leo Quisumbing, incumbent Assoc. Justice Tony Nachura at si Atty. Boy Brillantes. Napakagandang line up. Si Quisumbing na may karanasan sa Executive Secretary, Department of National Defense at naging Secretary of Labor bago maging haligi ng Supreme Court. Si Nachura na multi-term congressman, Presidential Legal Counsel, Dean ng Law School at saka naging Mahistrado. Si Brillantes na, kasama ni Romy Macalintal, itinuturing na institusyon sa batas ng halalan.
Ganun na lang ang kalidad ng pagpipilian na kahit sino man ang mapag-iwanan ay maaring maging best choice din na mamuno sa iba pang matataas na kagawaran ng pamahalaan. Deep bench. Three Kings. Gayun pa man ay hindi tuluyang matanggalan ng ligalig sa kanilang nominasyon.
Si Nachura ay kasalukuyang nanunungkulan. Anim na mahabang buwan pa ang nalalabi bago magretiro, panahon na pihadong mapupuno ng mga pagkuwestiyon sa Korte sa mga desisyon ni President Aquino. Paano nito magagampanan ng patas ang kanyang sinumpaang tungkulin kung may nakaambang appointment para sa kanya bilang Comelec Chairman? Ito ba ang paraan upang maibsan ni P-Noy ang balakid ng hukuman? Hindi yata tuwid.
Ganito rin ang argumento laban kay Quisumbing at sa lahat na ng naging Mahistrado. Paano aasa ang bansa na ang paghusga sa mga sensitibong desisyon ay patas at walang kinikilingan kung nasa kamay naman ng Palasyo ang kapangya-rihang magbigay o magkait ng benepisyo pagnatapos na ang termino ng mga Justice?
Kaya’t may punto ang panukala na ang nakapagsilbi na sa Supreme Court o kaya sa Constitutional Commissions ay dapat disqualified nang mailagay sa puwesto pagnatapos na ang term. Iwas impluwensya.
Sa ganitong pamantayan, malinaw na ang best candidate for Comelec Chair ay walang iba kung hindi ang respetado at talaga namang eksperto sa Election Law na si Boy Brillantes, anak ng dati ring Comelec Commissioner Sixto Brillantes.
Kailangan pa bang bilangin iyan?