MARAMI nang nagpanggap na empleyado kuno sila o di kaya’y kabahagi sila ng grupo ng BITAG.
Bahagi ng pagpapanggap ng mga impostor ang magsuot ng BITAG T-shirt at pekeng BITAG I.D. Subalit lahat sila, natuldukan ang paggamit ng pangalan ng BITAG para sa kanilang mga modus at kapritso.
Para sa taong 2011, sasampulan namin etong putok sa buhong nagngangalang RAMIL FAJARDO. Para sa kaalaman ng lahat, si Fajardo ang kasalukuyang vice mayor ng Polilio, Quezon Province.
Ang gawain nitong kolokoy na si Fajardo, ipinangangalandakan nito na dikit umano siya kay BITAG. Kapal muks itong pumupunta sa mga negosyante at establisimento at humihingi ng kung anu-ano para sa BITAG.
Katulad na lamang ng pera, appliances, motor, sasakyan, computer, gadgets at maging billbord para umano sa amin. Ang kapalit, lalabas ang pangalan at contact number ng kompanya sa aming programa o ‘yung tinatawag na commercial.
Ang siste, para pala ito sa pansarili niyang kapritso kung saan sa kaniya mismo napupunta ang mga produktong kanyang nakulimbat.
Bukod dito, nakarating sa amin na lumilibot itong vice mayor na si Fajardo sa mga club na ang suot ay BITAG T-shirt upang ipagyabang na siya’y taga-BITAG daw. Ang kanyang pakay, malibre sa club na kanyang pinupuntahan upang lumaklak ng alak.
Isa pang ka-estupiduhang ginawa nitong impostor na si Fajardo, nagpagawa ng sticker ng BITAG na may mukha ko at idinikit sa kaniyang mga sasakyan. Siyempre, gustong makalusot sa mga batas trapiko na kaniyang malalabag na kung tutuusin, hindi ginagawa ng mga tunay na BITAGer.
ISINUSUKA ko at sinasabi ko sa lahat, HINDI kabahagi at lalong hindi dikit sa BITAG etong si RAMIL FAJARDO. Kakilala namin etong tao na ito at makailang beses na rin nitong ipinagsiksikan ang kaniyang sarili na maging kaparte ng aming grupo.
Hindi pa man, patung-patong na ang atraso sa amin nitong kolokoy na ito. Kung hindi ba naman manloloko at manggagantso ang kumag na ito, sandamakmak na ang kanyang nakamkam sa iba’t ibang kumpanya na para raw sa BITAG, lingid ito sa aming kaalaman.
Tinatawagan namin ng pansin ang Vice Mayor League ng probinsiya ng Quezon, kondenahin niyo na etong si Fajardo dahil wanted siya ngayon sa amin sa BITAG. Eto ba ang presidente ng inyong asosasyon sa kasalukuyan na ang trabaho ay manggantso at manloko? Pwe!
Uulitin ko, HINDI namin kabahagi etong si Vice-Mayor Ramil Fajardo. Hindi ito otorisadong gumawa ng transaksiyon kahit kanino gamit ang pangalan ng BITAG!
O, sa mga traffic enforcer, pulis, LTO, HPG at mga militar na nagsasagawa ng checkpoint, kung sakaling makasalubong niyo sa kalsada ang sasakyan nitong si kolokoy na puro sticker ng BITAG na may mukha ko, bahala na kayo.
Huwag niyong palampasin sa mga nilabag niyang batas trapiko, hindi gawain ng mga tunay na BITAG na magyabang sa lansangan at kaladkarin sa di magandang gawain ang aming pangalan.
Ramil Fajardo galingan mo ang pagtatago, kapag nakaabot ka sa aking paningin, babalatan kita ng tunay mong anyo!