Huli!
IBANG klase rin ang huling nagawa ni Bgy. Councilman Reynaldo Dagsa, nang makunan pa niya ng litrato ang pumatay sa kanya! Kitang-kita sa litrato ang bumaril kay Dagsa na nakilalang si Arnel Buenaflor. Hinahanap na siya ngayon.
Sana ganyan nga lagi kapag may krimen na nagaganap. Nakukunan ng video o ng litrato. Katulad ng aroganteng pulis sa Pasig na nakuhanan ng video na arogante lang talaga at wala namang katotohanan na siya’y minaltrato at tinutukan ng baril ng mga guwardiya sa Ortigas Center. Pinagsabihan lang na mali ang kanyang pinaradahan, umiral na ang kayabangan.
Maraming krimen diyan o insidente na malulutas sana kung may video o litrato lang na nakuha. Sa totoo lang, ngayon lang tayo medyo gumagamit na ng mga closed-circuit TV (CCTV). Sa ibang bansa, halos lahat ng negosyo may CCTV na. Marami ring CCTV na nakatutok sa mga kalsada para mabantayan ang paligid.
Dapat pati sa loob ng mga istasyon ng pulis ay may CCTV at recorder na rin, dahil sa kasong rape na hinaharap ngayon ng isang pulis Maynila. Si PO3 Antonio Bautista Jr. ay nahaharap sa maraming kaso, kasama na ang umano’y pangre-rape niya sa isang vendor. Ano ang nangyayari sa mga pulis? Nagiging kriminal na lahat?
Sa kaso ng pagpatay kay Dagsa, may ebidensiya agad laban kay Buenaflor. Ayon sa mga unang imbestigasyon, tila ginantihan ni Buenaflor si Dagsa dahil sa isang nakaraang insidente. Sinita umano ni Dagsa ang grupo nina Buenaflor. Mabuti na lang at nakuhanan ng litrato si Buenaflor sa akto ng pagbaril. Pero dapat siyang mahuli. May mga nahuling kasabwat, pero hanggang doon pa lang.
Si Buenaflor, Bautista Jr., at marami pa. Mga kriminal kung saan may mga malalakas na ebidensiya laban sa kanila. Hindi sila dapat makatakas. Kung nagiging kriminal na ang mga pulis, ano na ang mangyayari sa lipunan?
- Latest
- Trending