Bakit kailangang magplano ng pamilya?
SA aming medical mission, may pamilya kaming binisita sa tabi ng riles ng tren sa Sta. Mesa. May pito silang anak, lahat may tuberculosis. Ang tatay at nanay, may TB din. Tinulungan namin sila at binalikan pagkaraan ng 5 buwan. Hayan, naospital ang nanay dahil nabuntis na naman at dinugo ng malakas. Papaano pa kaya sila aahon sa buhay?
Ayon sa pagsusuri, heto ang mga paraan ng family planning na ginagamit ng Pinoy: Pag-inom ng pills (32%); Ligation sa babae (19%); Withdrawal (14%); Rhythm method (14%); Condom (4%) at Vasectomy (0.2%).
Ang 2 permanenteng paraan ng family planning ay ang vasectomy at ligation.
1. Vasectomy sa kalalakihan
Ayon kay Dr. Eduardo Gatchalian, dating presidente ng Philippine College of Surgeons, ligtas at epektibo ang vasectomy. Ang vasectomy ay isang simpleng operasyon kung saan pinuputol ang tubo ng semilya ng lalaki (tinatawag na vas deferens). Magagawa ito sa loob ng 30 minutos at ginagamitan lang ng local anesthesia.
Masama ba ang epekto ng vasectomy sa sex life? Hindi, walang itong epekto sa pagtatalik. May semen pa rin na lalabas sa lalaki, ngunit wala nga lang itong semilya (sperms) na nakabubuntis.
Si Dr. Jondie Flavier ay nagpo-promote din ng vasectomy. Ayon kay Doc Jondie, ito’y para hindi rin mahirapan ang mga babae. Alam naman natin kawawa ang babae sa laging pagbubuntis. Maghihirap sila ng 9 na buwan. Duduguin pa kapag nanganak. Mabuti sana kung sapat ang pera ng pamilya para magpalaki nang maraming supling.
2. Ligation sa kababaihan
Ang ligation ay isang operation kung saan tinatali ang fallopian tubes ng babae. Ang fallopian tubes ay pinagdadaanan ng itlog ng babae mula sa obaryo papunta sa bahay bata (uterus). Kapag tinali ito, hindi na magbubuntis ang babae.
Madalas ay sinasabay ang ligation sa panga-nganak ng babae. Lalo na kung Caesarian Section o CS ang ginawa, napakadali lang magpa-ligate. Ligtas ang ligation at bihira lang magkakomplikasyon. Ginagawa ito sa mga ospital ng gobyerno.
Kung ikukumpara natin ang vasectomy sa ligation, mas madaling gawin ang vasectomy sa lalaki. Puwede itong pag-usapan ng mag-asawa kung ano ang pipiliin nila.
Bilang isang doktor, marami na akong nakitang pasyente na matutulungan ng family planning. Tulad ng mga babaing may rheumatic heart disease at mahina ang puso. Kadalasan ay hindi kakayanin ng puso ang stress ng pagbubuntis.
Ayon kay Dr. Flavier, kailangan nating ibahagi ang tamang impormasyon tungkol sa family planning. Karapatan ito ng bawat isa. Ngayon, depende sa kanilang paniniwala at pananaw sa buhay, ma-kagagawa sila ng tamang desisyon para sa kanilang sarili.
Good luck po.
- Latest
- Trending