ANG lagay ba naman eh, puwede mo na palang nakawan ng malaking halaga ang gobyerno, tapos makalalaya ka na kapag isinauli mo ang kalahati? Wow naman!
Baka nagsasawa na kayo sa paksang ito dahil sobrang “talk of the town” na pero nakakatawang nakakainis eh. Habang maraming mahihirap na nabilanggo sa kaunting ninakaw, may mga impluwensyal na taong puwedeng makalusot sa milyun-milyong nakaw na yaman.
Sabi nga ni Senador Kiko Pangilinan, ang pinasok na “plea bargain” ni dating AFP comptroller Carlos Garcia ay isang “midnight deal” sa Ombudsman para lumusot ang Heneral. Hindi dapat tantanan sa pagtuligsa ang paksang ito para hindi magkaroon ng miscarriage of justice. Plunder ang dapat ikaso kay Garcia na may pataw na pinakamabigat na parusang habambuhay na pagkabilanggo at hindi puwede riyan ang plea bargain para umamin siya sa mas magaan na kaso.
Ito’y tahasan paglapastangan sa hustisya at batas. Wika nga ni Sen. Kiko, nangyari pa naman ito noong Pebrero 25, 2010 na ipinagdiriwang ng bansa bilang anibersaryo ng People Power. Lumalabas na ang mga kasangkot sa pagluluto ng midnight deal na ito ay ang Ombudsman sampu ng mga prosecutors na malapit sa nakalipas na administrasyon sa kampo ni Garcia.
Ibig sabihin, mababalewala na ang hinahabol ng gobyerno na P175 milyong assets ng dating heneral bukod pa sa P303M sinasabing ninakaw niya.
Kahit saang anggulo tingnan, wala akong masilip na moralidad sa kasunduang ito. Ito’y isang malaking pabor sa isang inaakusahang magnanakaw. Tama si Pangili-nan at ang iba pang bumabatikos sa pangyayaring ito.
Hindi dapat palusutin si Garcia upang magpasasa sa malaking yaman na nakulimbat sa pamahalaan.
Isipin na lang yung mga maliliit na taong dahil sa ninakaw na kaunting barya ay nabubulok sa piitan. Totoong nangyayari iyan. Mga pobreng hindi nagbayad ng kinain sa restawran at inihabla at nakapiit ngayon dahil walang pampiyansa. Nasaan na ang katarungan kung magkagayon?