Hindi pa man inaanunsyo ng Palasyo ang nakaambang Cabinet revamp, marami na ang nagdadasal na mapalitan ang ilang bitbit ni P-Noy sa gobyerno. Maski Obispo, naki-jam na rin. Ani Bishop Juan de Dios Pueblos at ni retiradong Arsobispong si Oscar Cruz, hindi malinaw ang patutunguhan ni P-Noy dahil malabo ang mga piniling katuwang sa pamamahala.
Ang Gabinete’y bugbog sa kritisismo. Ang legal team na bumibinggo sa supalpal ng Korte Suprema, sina Robredo-Puno ng DILG, Romulo ng DFA, Lim ng DOT, Luistro ng DepED, Coloma-Carandang ng Communications Group. Mahiya naman daw at maging sensitibo sa public opinion.
Ang aking unsolicited advice kay PNoy? Huwag patulan ang kantiyaw! Manindigan!
Walang sinuman ang may vested right o karapatan sa pampublikong puwestong hinahawakan. OK lang kahit madalas palit-palitan ng presidente ang kanyang official family. May pakinabang din ang malimit na pagbalasa sa isang organisasyon – para walang papatay-patay. Kung hindi tumimbang, tanggal. Ito ang diwa ng lingkod bayan – higit sa sariling interes, mauna ang interes ng tao.
Subalit kasing timbang ng adhikaing ito ay ang doktrina ng Qualified Political Agency – ang gawain ng iyong ahente, kapag hindi mo itinatwa, ay mistulang ikaw na rin ang gumawa. Sa pundasyong ito nakatukod ang buong makinarya ng Ehekutibo. Paano nga naman gagampanan ng isang halal na presidente ang katungkulan niyang ipatupad ang batas kung walang gabineteng kabalikat sa paglingkod? Ang akto ng kanyang inatasan ay siyang akto niya na rin.
Malaking pananagutan ang ipinagkatiwala kay P-Noy. At upang magampanan ito nang panatag ang kalooban, kritikal na may kumpyansa siya sa mga taong nakapalibot. Kung may pagkukulang, basta’t hindi hahantong sa kapabayaan tulad kina Robredo at Puno sa Luneta, ay sagutin na rin ito ni P-Noy. Maaring sa pailan-ilang lara-ngan ay may kahinaan ang gobyernong itinalaga. Ganoon talaga – walang perpektong administrasyon. Basta’t paniwala siya na sa pangkalahatan ay naihahatid pa rin niya sa bansa ang inaasahan nitong serbisyo, sapat na dapat iyon.
Katungkulan ng mga komentarista ang itukoy ang kapansin-pansin. Ang kalusugan ng demokrasya ay nakabatay sa ganitong malayang komentaryo. Subalit kailanman ay hindi ito dapat humantong sa pagdikta o sundan ng Pangulo bilang dikta. Walang may karapatang magdikta sa kanya dahil ang katotohana’y siya lang ang may awtori-dad galing sa tao. Sa huli, siya rin naman ang huhusgahan, at hindi ang kanyang mga alalay.