Revamp sinimulan sa Palasyo

SANA’Y tuluy-tuloy na ang pagreporma sa administrasyon ni Presidente Noynoy Aquino. Hindi sa personal na dahilan kundi sa layuning paghusayin ang performance ng biyurukrasya.

Sa tanggapan ng Pangulo sinimulan ang pagbabago. Inanunsyo ni Executive Secretary Paquito N. Ochoa, Jr. na babaguhin ang estruktura ng Office of the President (OP) para lalong mapahusay ang operasyon at kasanayan ng mga opisinang sakop ng Executive Department.

Ang mga hepe ng mga pangunahing opisina sa Office of the President ay sumailalim sa workshop na tinaguriang “Improving the Operational Arrangements of the OES (Office of the Executive Secretary) for Better Efficiency and Effectiveness”. Ngayon ay mapapatunayan natin kung ma­iimplimenta ang mga pagbabago para makapag-ambag sa mga layunin ng administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino.

Sa bagong estruktura ng organisasyon, limang pangu­nahing unit ang direktang mag-uulat sa OES. Kabilang diyan ang Legal and Legislative Offices, Government Affairs and Financial Administrative Offices, Strategic Initiatives and Government Performance Monitoring Offices, Internal Audit Office, at ang immediate staff at support offices ng Executive Secretary.

Gagamit din ng tinatawag na case decongestion and delay reduction strategy sa Legal and Legislative Offices upang matugunan ang mga nakabimbing kasong dating hawak ng binuwag na Presidential Anti-Graft Commission.

Umaasa tayo sa maidudulot na reporma ng hakbang na ito. Tama si Ochoa. Upang maging epektibo ang pagbabago, dapat ding magpamalas ng lubos na inisyatiba at dedikasyon ang mga kawani at opisyal sa Malacañang upang makapag-ambag sa mga layunin ng Pangulo tungo sa minimithing “daang matuwid.”

Show comments