Editoryal - Punumpuno ng pag-asa
NOONG nakaraang Pasko ay sobrang saya nang nakararaming Pilipino (85 percent ayon sa Pulse Asia) pero mas matindi ang nadaramang pag-asa nang napakaraming Pinoy para sa 2011. Ayon sa Social Weather Stations (SWS), 93 percent ng mga Pilipino ang naniniwalang gaganda ang kanilang buhay ngayong taon na ito. Ngayon lamang umano nangyari na siyam sa 10 Pilipino ang nagsabing malaki ang kanilang pag-asa na magiging maganda ang kanilang buhay. Positibong-positibo ang isipan nang nakararami na ang kanilang mga pinapangarap ay matutupad. Ang survey ay ginawa mula Nobyembre 27-30. Noong nakaraang taon, 89 percent lang ang nagsabing gaganda ang kanilang buhay sa 2010. Walong taon na ang nakararaan (2003) pumalo sa 95 percent ang nagsabing uunlad ang kanilang buhay.
Sinasabi na kaya mataas ang pag-asam ng mga Pilipino ngayong taon na ito ay dahil na rin sa mga magagandang ipinangako ng Aquino administration. Nanininiwala ang marami na tutuparin ni President Noynoy ang kanyang mga pangako na pag-aangat sa buhay ng mga kapuspalad. Pangako niya na magkakaroon ng mabuting pamumuhay sa ilalim ng kanyang administrasyon. At matutupad lamang ang lahat sa pamamagitan ng pagwasak sa corruption at mga walang kabuluhang paggastos. Ipinangako niyang tapos na ang araw ng mga nagsasamantala, wala nang ‘‘tongpats’’, wala nang ‘‘red tape’’ at tataluntunin na ang tuwid na landas ng pagbabago.
Nauhaw ang mga mahihirap sa katuparan ng mga pangako ng mga nakaraang administrasyon. May nangako nang maraming trabaho, pagkain sa hapag, desenteng bahay na matitirahan at kung anu-ano pa. May nangakong walang kai-kaibigan at kamag-anak. May nangakong puputulin ang korapsiyon sa lahat ng sangay ng gobyerno. Pawang mga pangako na hindi naman naisakatuparan. Patuloy na nalugmok sa hirap at dusa ang nakararaming Pilipino. Maraming maysakit na namamatay sapagkat walang perang pampagamot, maraming nakapila sa mga government hospital pero iilan lamang ang nabibigyan ng tamang serbisyo at maraming humihingi ng tulong para mabigyan ng kalutasan ang pagkamatay ng kaanak subalit walang makarinig sa mga hinaing.
Ngayong 2011, umaasa ang marami na matutupad ang mga inaasam. Sure na sure sila. Positibong-positibo. Hindi sana ito biguin ng Aquino administration.
Mapayapa at Masaganang Bagong Taon sa lahat.
- Latest
- Trending