SA international scene, taas noo ang Pilipino dahil kina Manny Paquiao, Nonito Donaire, Rey Saludar, Efren Reyes, Django Bustamante and Co., Wesley So at Askals National Football team sa sports. Sa fashion world, patuloy na tinataas ni Monique Lhuillier ang bandera. Nasa unang hanay ang ating mga direktor sa mga film festival, tulad nina Brillante Mendoza. At sa music scene, pinakasikat na musikero sa buong mundo sina Apl.de.Ap ng Black Eyed Peas, Arnel Pineda ng Journey, Nicole Scherzinger ng Pussycat Dolls at ang soloistang sina Charice at Bruno Mars.
Sa aming henerasyon, ang karaniwang tinitingala ng lipunan ay ang mga abogado at doktor at iba pang mga propesyonal. Hindi dahil sa laki ng kinikita – pangunahing dahilan ay ang dami ng taong natutulungan. Kung mayroon magandang aral na iniiwan ang mga nakatatanda, ito ay ang paalala na kung sino ang pinagpala, lalo na ang nabigyan ng mataas na pinag-aralan, siya rin dapat ang maunang magpamahagi ng biyaya.
Ngayon? Kasikatan at yaman ang puntirya ng bagong henerasyon. Tila nababawasan na ang motibasyong makatulong – unahin ang sarili, yan ang sigaw. Bakit pa pagtitiyagaan ang mag-aral ng napakatagal at gumastos ng sobra-sobra sa law o medicine kung wala namang requirement ng college degree para sumikat sa boksing, sa pinilakang tabing, sa musika? Hindi ba’t ang mga idolo tulad nina Manny, Efren, karamihan ng artista, etc. ay hindi naman nakapagtapos?
Maaring ang tagumpay nila ay hindi nakasalalay sa anumang kursong kinuha. Sa kabila nito ay hindi pa rin sila nakakalimot na tumulong sa nangangailangan. Si Apl de Ap (Allan Pineda Lindo) ay walang tigil sa pagtulong sa kapwa. Ganun din si batang Sampaloc, Arnel Pineda na may foundation para sa batang kalye. Sina Efren “Bata” at Dolphy ay kilala sa pagiging matulungin sa komunidad at si Manny P.? Lingkod bayan ang piniling karera. Ang kanilang karangalan ay hindi hango sa edukasyon o mga tropeong nakamit kung hindi’y galing sa dangal ng sarili nilang pagkatao.
Ako ay abogado – tapos ng kolehiyo, abogasya at nagdalubhasa sa abroad. Pagkatapos ng high school ay kulang-kulang 10 years pa nag-aral. Ganito rin ang pangarap para sa aking anak. Kung sakaling ipagtapat niya sa akin na paglaki niya, gusto niyang maging Apl de Ap, Arnel Pineda o Manny Paquiao? Ok lang! Makakatu- log pa rin ako ng mahimbing.