All's well that ends well

SALAMAT at hindi na natuloy ang planong welga ng mga kawani ng Philippine Airlines (PAL). Kung nagkataon, tiyak apektado ang ating industriya ng turismo. Pasko pa naman at dagsa-dagsa tiyak ang mga magbibiyahe patungo sa Pinas.

Umurong ang mga kawani ng PAL sa planong welga. Ang dahilan, iniutos ng Labor department sa management ng PAL na gawing 60 imbes na 40 ang retirement age ng mga empleyado nito. Salamat at namagitan ang Malacañang sa usapin. Espesyal na kaso ito na nanganga­ilangan ng direktang pakikialam ni Presidente Noynoy Aquino. Mantakin ninyong tatlong buwan na ang sigalot ng Flight Attendants and Stewards Association of the Philippines at PAL management.

 Naunang nagbanta ng strike ang unyon ng flight attendants at stewards makaraang paratangan nila ang pamunuan ng kanilang kompanya ng pagkakaroon ng diskriminasyon sa edad at kasarian.

 Nilinaw ni Executive Secretary Jojo Ochoa na “Naka­saad sa kautusan ng Labor department ang pagtatakda ng parehong retirement age para sa lalake at babae dahil ang pagkakaroon ng magkaibang retirement age para sa flight attendants at stewards na gumagampan sa parehong tungkulin ay isang malinaw na paglabag sa kanilang karapatan para sa pantay na oportunidad sa trabaho.” 

Ipinag-uutos din na ipagkaloob ng carrier ang salary increases na nagkakahalaga ng P200 milyon (P105 mil­yon lamang ang inaalok ng management at aabot naman sa P300 milyon ang hinihingi ng unyon).

 Kasama rin sa kautusan ang pagbibigay ng bigas sa susunod na tatlong taon na nagkakahalaga ng P25 milyon, 13th-month pay, Christmas bonus, allowances, at credit sa dalawang pregnancy leave.

Malaki ang ipinagpapasalamat ng kasapian at presidente ng unyon na si Bob Anduiza kay Pangulong Noynoy Aquino at mga opisyal na tumulong para sa mabilis na resolusyon ng krisis sa nangungunang airline company sa bansa.

Ani Anduiza, kinikilala ng administrasyon ni P-Noy ang mga karapatan ng manggagawang Pinoy at sana ay ganoon din ang lahat ng employer sa bansa para hindi na nagkakaroon ng mga hindi pagkakaunawaan

Show comments