KAHAPON marami na namang pulis sa Metro Manila ang napakagat labi matapos na ipag-utos ni Philippine National Police chief Dir. General Raul Bacalzo ang pagbusal sa mga baril. Kasi nga raw hindi akma sa panahong ito na busalan ang mga baril ng kapulisan dahil naglilipana ang mga kriminal sa lahat ng sulok. At dahil nga sa puro mga automatic na ang mga service firearms ng mga pulis tiyak na magiging dehado sila sa pagtugon sa pangangailangan ng mga mamamayan. Kung sabagay tama ang reklamong ito ng mga pulis dahil sinasamantala ito ng mga kriminal.
Ngunit may exemption naman ang mga pulis na gamitin ang kanilang armas sa tamang pagkakataon ayon kay NCRPO chief Nicanor Bartolome. Ang masama lang sinasamantala naman kasi ng ilang makakati at mayayabang na pulis ang pagpaputok ng kanilang baril tuwing sasapit ang paghihiwalay ng taon kaya nadamay na ang lahat. Kaya dapat nang alpasan nina Bacalzo at Bartolome ang kanilang mga Intelligence Unit upang magmanman sa lahat ng kapaligiran sa pagsapit ng putukan sa selebrasyon ng Bagong Taon.
At lalong magiging matagumpay ang kampanya ng PNP kung susuporta rito ang mga local executive. Katulad ng ipinakitang suporta ni Manila mayor Alfredo Lim sa Manila Police District Press Corps noong December 18. Hinikayat ni Lim ang mga pulis sa Manila Police District na sumali sa “1st MPDPC Fun Shoot” ng Manila Police District Press Corps upang ipamalas ang kanilang galing sa pagbaril. At upang paghahanda na rin sa pagbabawal ng PNP sa pagpaputok ng baril sa pagsapit ng Bagong Taon. Buong suporta itong nagpadala ng 4 na team sa pangunguna ni C/Insp. Mar Reyes kaya itinanghal silang champion.
Hindi rin naman nagpahuli ang mga tauhan ni MPD director C/Supt. Roberto Rongavilla na binubuo ng team ni Insp. Eduardo Morata mula sa Blumentritt Police Community Precints kaya naging kapana-panabik ang paligsahan.. Hindi lamang kasi fund raising itong Fun Shoot ng aming organisasyon sa MPDPC kung di maikasa ang mga pulis at mga gun holder sa nalalapit na Iwas Putok sa Bagong Taon. Ika nga’y tanggal kati ng daliri at magiging responsible sa paghawak ng baril.
At ang naging resulta sa pa-Fun Shoot ay pinagwagihan nina Deo Padanes at Rasdy Laca (Champion to runner up) sa Standard-Division, Julius Agcaoili at Omar Francisco, sa Production-Division, PO3 Enrico Sunga at PO3 Vic Sunga sa PNP Standard (SPO4-PO1), PO2 Aurelio Neral at PO1 Francis Manlutac sa PNP Production (SPO4-PO1), C/Insp. Rolly Tolentino at Eduardo Morata sa MPD Officers Standard Supt-Insp.). Si C/Insp. Mar Reyes naman ang tinanghal na Champion sa MPD Officers Production (Supt-Insp.) Naging Champion naman sa Media Production si Angelo Almonte ng DZMM na sinundan ni Ric Reyes ng PJI at Benny Antiporda, presidente ng AFIMA/ Remate. Maging sina Virgilio Bugaoisan, Chrismon Heramis at Raymond Dadpaas ay itinanghal na champion din sa Media Production at sa Celebrity naman ay pinagwagihan nina Ayrene Ramos at Pamela Balite.
Ang payo ko sa mga gun holder sa firing range na lang tayo magkita-kita nang masubukan ang kati ng inyong mga daliri upang makaiwas sa sakit ng ulo. Iwasan po nating gamitin sa maling pamamaraan ang pagpapaputok ng baril partikular na sa darating na Bagong Taon.