Ugaling pabaya muling umiral
ANO ang pagkakatulad ng sunog sa otel sa Tuguegarao na lumitson sa 16 katao, at sa pagpatay sa bangga ng bus sa Commonwealth Avenue, Quezon City, sa isang retired Makati judge at asawa nito? Isama na rin ang mga maling mapa at kulay sa bagong salaping pinaimprenta ng Bangko Sentral, ang kinopyang logo ng Poland para sa “Pilipinas Kay Ganda” branding ng ating tourism department, at ang panlalait na Tweet ng Malacañang speechwriter sa mga lalaki at alak ng Vietnam.
May mga buhay na nabuwis sa mga insidente sa Tuguegarao at Quezon Cities. Nakakahiyang Wow-Mali ang ipinakita sa mga bagong salapi, sa tourism slogan at sa Tweet. Iisa ang puno’t dulo ng mga ito: Ang kapabayaan ng mga Pilipino, na nauuwi sa kamatayan o kasiraang-dangal ng bansa.
Taun-taon may mga nakukulong sa nasusunog na gusali, tulad ng Ozone Disco at Cabiao Community Clinic, Nueva Ecija. May sakuna sa dagat: Pagkalunod dahil sa overloaded na barko, at pagtagas ng langis. May nababaon sa landslide habang nasa bahay sa gilid ng bangin. May inaararo ng bus habang nagkokotse o naglalakad. Lahat ito maiiwasan sana kung sinusunod ng mga awtoridad at pribadong may-ari ang mga batas sa fire, maritime, road, at land use safety. Kriminal ang paglabag sa mga alituntunin, pero nangyayari pa rin dahil sa suhol o pakikisama — simpleng kapabayaan.
Kahiya-hiya sa bansa ang pangongopya ng logo ng Poland at panlalait sa Vietnamese. Gagawing mangmang ang kabataan ng maling mapa ng Batanes at Tubbataha Reef, at maling kulay ng tuka ng rare na loro sa bagong salapi. Maihahambing ito sa pagkasawi ng buhay sa palpak na rescue ng Manila police SWAT sa Chinese hostages nu’ng Agosto — malalaking kapabayaan lahat ito.
Hindi ko tatantanan ang pagbatikos sa ating ugaling “puwede na ‘yan.” Ito kasi ang sumisira sa atin. Dahil pabaya, hindi tayo umaasenso.
- Latest
- Trending