'Palakol' ni P-Noy handa na sa gabinete
NAKAAMBA na raw ang “palakol” ni Presidente Benigno Aquino III kaugnay ng napipintong pagbalasa sa gabinete. Ngingisi-ngisi naman ang ilang kritiko ng administrasyon nang malaman na magkakaroon ng sibakan sa gabinete.
Tunay na reporma kaya ang inaasam ng mga kritikong ito? Iyan ang tanong ng barbero kong si Mang Gustin. Kung ako ang tatanungin, tingin ko’y gusto lamang nilang isulong ang pansariling agenda at interes. Kaya ang inaabatan nila ay ang “sibakan” sa pagbabakasakaling sila o mga taong gusto nila ang maipuwesto.
Si P-Noy mismo ang nagsabi na sinisira sa publiko ang ilan sa mga taong kanyang pinagkakatiwalaan kahit mahu- say ang performance. Isa umanong alyas “Boy Bawang” ang may pakana ng black propaganda laban sa naturang mga opisyal bilang paghahanda sa nalalapit na pagpuwesto ng mga kapanalig ni P-Noy na natalo noong nakaraang eleksyon.
Ngunit sa kabila nito, hindi naman daw natitinag ang mga opisyal ni P-Noy sa kanilang gawain at batay na rin sa mga nagdaang krisis sa ilalim ng administrasyong Aquino ay nagampanan ng mga kalihim ang kanilang tungkulin.
Kung magkakaroon ng balasahan at sibakan sa Gabinete ni P-Noy sa mga unang buwan ng bagong taon, hindi iyon para pakinggan at pagbigyan ang kanyang mga kritiko kundi isa iyong kalibrasyon para sa mas mahusay na pag-usad ng kanyang administrasyon.
Umaasa ang milyon-milyong Pilipino na nagbigay ng mandato kay P-Noy noong nakaraang Mayo na pangingibabawan siya ng matuwid na pamamahala at hindi mapapasukan ang kanyang administrasyon ng mga taong nakikiangkas lamang sa pagtahak sa tuwid na landas.
Marami sa mga Pinoy ang magagalit kung makapupuwesto ang isang Boy Bawang na palagi na lamang na gustong sumahog.
- Latest
- Trending