ISANG Maligayang Pasko ang bati namin sa lahat, sa ngalan ni Presidente Erap, ng aming anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment, and Human Resources Development at ng Congressional Oversight Committee on Labor and Employment (COCLE) at buong pamilya Estrada.
Siyempre, nasa gitna ng ating pagdiriwang ang ating pasasalamat sa pagsilang kay HesuKristo na tumubos sa kasalanan ng sangkatauhan.
Isa na namang napakamakabuluhang Pasko ang sumasaatin ngayong taon dahil patuloy tayong binubuhusan ng pagpapala ng ating Panginoon sa kabila ng maraming mga pagsubok, hindi lang sa ating bansa kundi sa buong mundo.
Tayong nagdiriwang ng Pasko ngayon, laluna sa piling ng ating pamilya, ay lubhang mapalad kumpara sa mga dumanas ng unos sa kanilang buhay.
Kaya kasabay ng ating pagsasaya ay marapat lang na alayan natin ng panalangin, at sa abot ng ating makakaya ay bahaginan din natin ng kahit kaunting biyaya, ang mga nakaranas ng hagupit sa pamumuhay, laluna yung mga nasalanta ng kalamidad at trahedya, mga nabiktima ng malagim na krimen, mga may sakit, mga ulila, mga may kapansanan at ang mga hindi pa nakaaahon mula sa matinding kahirapan.
Alam natin na sa maraming bansa sa buong mundo ay marami tayong kapwa na nagkaroon ng mapait na karanasan kaya’t hindi maiwasang mayroon silang dalang bigat at kirot sa kanilang dibdib ngayon, pero gayunpaman ay positibong sumasalubong at nagpupugay sa dakilang araw na ito.
At, napakasarap ding pahalagahan ang itinuturing nating tampok sa selebrasyon natin tuwing Pasko – ang pamilya at ang mga bata. Ito ay lalong napakaimportante sa ating mga Pilipino, kung saan sama-samang nagdarasal, kumakain at nagsasaya ang mga mag-asawa at kanilang mga anak, kasama sina lolo at lola at pati ang mga kaanak at kaibigan.
Nawa, ang tunay na diwa ng Pasko… ang pagmamahalan, kapayapaan at pagbabahaginan… ay mamayani sa puso ng ba-wat isa… ngayon at sa lahat ng panahon.
Muli, Maligayang Pasko sa lahat!