NAGSIMULA ang “Panununog ng Kambing” sa aktong pananalbahe, pero naging kostumbre na sa Sweden. Apat na dekada na tuwing simula ng Kapaskuhan sa bayan ng Gavle, nagtatayo ng higanteng Kambing na yari sa dayami. Taun-taon sinisikap ng mga pilyong kabataan na sunugin ang Kambing bago ang Araw ng Pasko. Nagbibihis silang Santa Claus o mga duwende para makalusot sa mga bantay at silaban ang Kambing. Mula 1966 sampung beses pa lang umabot nang Pasko ang dayaming Kambing.
Ugali ng Norwegians ang “Pagtatago ng Walis,” sa Bisperas ng Pasko. Pamahiin kasi nila na lumilibot sa gabing ‘yun ang mga bruha at naghahanap ng walis na masasakyan patungo sa kukulamin. Kaya itinatago ang mga walis sa pinaka-mahirap paghanapang lugar. Hanggang ngayon, ginagawa pa rin ‘yon ng mga kababaihan. Ilang mga lalaki naman ay lumalabas ng bahay at nagpapaputok ng shotgun para takutin ang mangkukulam.
Sa Germany ay merong “Tatlong Gabi ng Pagkatok.” Sa tatlong Huwebes bago mag-Pasko, nagsusuot ng maskara ang mga bata, nag-iingay ng mga kalembang at takip ng kaldero, at nililibot ang bayan. Kumakatok sila sa pinto ng bawat bahay at bumibigkas ng tula o umaawit. Kapalit, binibigyan sila ng mga kakanin. Parang Trick or Treat sa Halloween sa America.
Nakakapagtaka na nu’ng 1695 ay ipinagbawal ang Pasko sa isang sulok ng America. Ipinasya ng General Council ng bayan ng Bay Colony sa Massachusetts na wala sa Bibliya ang magagarbong handaan at iba pang aktibidad tuwing Pasko. Mga Puritans sila, fundamentalist Christians kumbaga, kaya hindi nila nakikita ang kahalagahan ng pagpipiyesta tuwing Pasko.
Dapat ay simpleng obserbasyon lang daw ng Kapanganakan ni He-sukristo.
Nagpataw sila ng multang 5 shilling sa nagpa-Pasko sa pamamagitan ng hindi pagtrabaho at pagsasaya.