Katakut-takot ang komentaryo sa kaso ni Maj. Gen. Carlos Garcia. Malakas ang ebidensiya – “slam dunk” o “sure win” ani dating GMA Ombudsman Simeon Marcelo. Ni hindi tinapatan ng kampo ni Garcia ang mga paratang laban sa kanya. Ibig sabihi’y hahatulan siya batay sa ebidensiyang iprinisinta ng Ombudsman nang wala man lang paliwanag! Aakuin ang lahat ng sisi kahit pa walang maniwalang mag-isa niyang binuno ang krimen na pinaparatang.
Sa kabila nito’y pumayag ang Ombudsman Special Prosecutor --- si Wendell Bareras-Sulit - sa plea-bargain o ang pag-amin sa mas magaang na krimen na indirect bribery kapalit ng pagbasura ng kasong plunder. Sigurado ang conviction. Mas maikli ang sentensiya para kay Ge-neral. Makakapagpiyansa pa siya. Mas problema naman sa pamahalaang mabawi ang mahigit 300 milyong pisong naitabi. Siyempre, gulat at galit ang lahat. Mula kay Sec. “Senadora” de Lima hanggang kay P-Noy mismo.
Ok, Mr. Special Prosecutor – dinesisyunan mo yan, ngayon ipagtanggol mo. Ang plea bargain ay karapatan ng akusado. Epektibo itong paraan na pagaanin ang karga ng hukuman. Pinapayagan lamang ito kapag hindi pa nag-uumpisa ang paglilitis, bago makipagsapalaran ang nasasakdal sa People of the Philippines. Subalit sa kaso ni Garcia, nag-umpisa na ang paglilitis. Tapos na rin ang ebidensiya ng prosekusyon. Nabigyan si Garcia ng lahat ng pagkakataong depensahan ang sarili. Ngayon ay paa-atrasin si Garcia matapos paghirapan na ng pamahalaang pagkagastusan at patunayan ang kanyang pananagutan?
Ang depensa nina Sulit ay ang kasong People vs Mamarion. Pinayagan dito ng Supreme Court ang plea bargain kahit pa nakapagprisinta na ng ebidensiya. Subalit ang kaso ni Mama-rion ay noong 1996 pa napagpasiyahan. Hindi pa nababago noon ang patakaran ng hukuman hinggil sa pag-plea bargain. At, ang isa pa, ang pinayagan lang mag-plea bargain sa kasong yon ay iyong alalay na mukhang pinakawalang kasalanan – hindi ang pangunahing nasasakdal.
Sa kasalukuyang patakaran na naging epektibo noong 2001, bawal na ang mag-plea bargain kapag nag-umpisa na ang paglilitis.
Malayo pa ang katapusan ng kasong ito kahit pa nakapagpiyansa na si General Garcia.
Equal Protection. Alibi. Denial. Reasonable Doubt. Amnesty. Ngayon, Plunder at Plea Bargain. Mga usapang legal. Mukha at anyo ng batas. Pihadong dadami ang mag-eenroll sa mga College of Law nitong papasok na school year.
Ombudsman Special Prosecutor Wendell Sulit Grade: 45 – No Bargaining!