Dinudumog na ng tao ang alinmang pampublikong lugar lalo na ang mga pamilihan.
Balisa na si Juan dela Cruz sa paghahanda sa nalalapit na okasyon ngayong Disyembre.
Sa dami ng taong makakasalubong at makakasa-lamuha sa labas maging sa mga kalsada, hindi na alam kung sino rito ang mga mamimili, namamasyal o mga dorobo na.
Kung pag-uusapan ang mga dorobo, isang modus ang naispatan ng mga BITAG undercover sa may Pasay, Taft.
Sa unang tingin, simpleng bentahan lamang ng mga hayop ang makikita. Mga sawa o ahas-ilog na binibili lamang ng mga mahilig mag-alaga nito.
Pero nang bantayan ng BITAG ang mga susunod na pangyayari, pamilyar na sa amin ang estilo ng modus.
Kapag may isang kostumer na lumapit upang mag-usisa sa paninda, sunud-sunod na maglalapitan ang ilang kalalakihan. Papalibutan nito ang naunang kostumer na kunwari ay titingin din sa mga tindang hayop.
Subalit, ang tunay na pakay ng mga miron na naglapitan, dukutan ang pobreng kostumer. Simpleng kuyog ang estilo ng mga kolokoy upang hindi makapalag ang biktima oras na makahalata itong dinudukutan siya.
Madaling kutuban ang BITAG sa mga sitwasyong tulad nito. Lalo na pamilyar ang mga kalalakihang kumukuyog sa mga biktima, minsan na namin silang naengkuwentro, kasagsagan ng Chess Gang.
Tuluy-tuloy lamang ang pagmamanman ng aming grupo sa tindahan ng ahas diyan sa may Pasay.
Babansagan namin ang grupong ito ng “Ahas Gang” dahil sa patibong na kanilang gamit upang makakuha ng biktima.
Tinitimbrehan na namin ang mga pulis na nakakasakop sa lugar kung saan malapit lamang sa may MRT Taft.
Patuloy ang pagbibigay namin ng babala, sa dami ng tao ngayon mapa-kalsada man, mall o pamilihan, nakahalo lamang ang mga manloloko’t dorobo. Mag-ingat, mag-ingat!