EDITORYAL - Patuloy sa pagyaot ang mga 'killer bus'
Hindi lamang sa kahabaan ng EDSA nambibiktima ang mga “killer bus” kundi maging sa Commonwealth Avenue, Quezon City. Kung tutuusin ay mas mabibilis ang mga bus sa Commonwealth sapagkat walang gaanong MMDA enforcers na nagbabantay sa lugar lalo na kapag sumapit ang gabi. Mas malalakas ang loob ng mga bus drayber na magpatulin sapagkat walang huhuli sa kanila. Kaya walang katotohanan ang sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na 24/7 na ang duty ng traffic enforcers.
Maraming nangyayaring aksidente sa Commonwealth Avenue dahil sa kagagawan ng mga drayber ng bus. Ngayong Disyembre lamang ay 10 tao na ang namatay at sangkot dito ang mga pampasaherong bus. Araw-araw ay tatlo hanggang limang aksidente ang nagaganap sa Commonwealth at mga bus ang involved dito. May pedestrian na nasasagasaan, may dumayb sa estero, may inaararong bahay at railings at may sinuwag na pribadong sasakyan.
Ang pinakahuling biktima ng “killer bus” ay ang isang judge at kanyang maybahay. Patungo sa pagsisimbang gabi si Makati RTC Branch 58 Judge Reynaldo Laygo, 70, at kanyang maybahay na si Lilia dakong alas-kuwatro ng madaling araw noong Lunes nang banggain ng rumaragasang Corimba Bus Liner ang kanilang Pajero. Dead on arrival sa magkahiwalay na ospital ang mag-asawa. Sumuko naman ang drayber ng bus na si Generoso Magante Jr. 42. Aminado si Magante na mabilis ang kanyang pagpapatakbo at nawalan ng preno ang minamanehong bus. Kinasuhan na si Magante ng two counts of reckless imprudence resulting in multiple homicide.
Laging ang pagkasira ng preno ang dahilan ng mga drayber ng bus. Ito lagi ang kanilang sinasabi para marahil makalibre sa kaso. Kung wala nga namang preno e baka mas mababa ang kanilang tanggaping parusa. Para sa amin, hindi ang pagkasira ng preno ang dahilan kung bakit nangyari ang karumal-dumal na pagbangga kundi ang kawalan ng disiplina ng drayber. Siyempre kung masyadong mabilis ang pagpapatak- bo ng drayber, mawawalan ng kontrol sa manibela.
Nararapat ang aksiyon ng DOTC, LTFRB at LTO na bago bigyan ng lisensiya ang mga drayber ay idaan muna sa matinding training. Paulit-ulit din silang isa-ilalim sa drug test. Kung matitino ang drayber, hindi magagawang magpabilis sa kalsadang katulad ng Commonwealth na maraming intersection at tumatawid na pedestrians.
- Latest
- Trending