Dehadong-dehado

KUNG may planong siyasatin at pigilin ang kasunduan ng mga prosekyutor at itong si Gen. Carlos Garcia, na kinakasuhan ng pandarambong dahil sa kanyang umano’y pagnanakaw ng higit 300 milyong piso, gawin na kaagad! Ano na naman ang nangyari sa kasong ito? Matapos ang anim na taong paglilitis sa isang kaso na siguradong mananalo ang gobyerno, isang kasunduan umano ang naganap sa pagitan ng Sandiganbayan at ni Garcia kung saan umamin si Garcia sa mas mababang krimen. Kaya siya pinayagang makapag-piyansa, at makalaya!

Napakaraming umangal sa nangyaring ito. Isa na si da-ting Ombudsman Simeon Marcelo na humawak din sa kaso. Sigurado nang panalo ang gobyerno, dahil sa lantarang mga ebidensiya kung saan sangkot din ang mayabang na asawa at mga anak na hinuli sa Amerika, dahil sa dami ng perang dala! Napakalakas ng mga ebidensiya para patunayan na siya’y nandarambong sa kaban ng bayan! Magkano lang ba ang suweldo niya, kahit heneral pa, at nakuha niya ang lahat ng pag-aari niya? Kung matutuloy ang kasunduan, ibabalik lang niya ang kalahati ng higit 300 milyong piso. Kontra ito sa mga pangako ni President Aquino na hahabulin niya ang mga kriminal ng nakaraang administrasyon. Kontra ito sa mga programa niya para sa pagbabago dahil napakadehado ng gobyerno sa kasunduang ito.

Ano, magkakalimutan na lang doon sa higit 150 milyong piso? Kay Garcia pa rin iyong halagang iyon – maging pag-aari o pera – at malaya na siya at mga asawa’t-anak niya na pawang mga kriminal rin? Napakaraming aspeto ng kasunduang ito na masangsang sa ilong at napakapait sa dila ng bayan! Bakit nagpalugi ang mga prosekyutor sa isang kaso na sigurado namang makukulong ang kriminal? Ang pandarambong ay may kaparusahang panghabang-buhay na kulong! Pero ngayon, sa halagang 60 libong piso na baryang-barya para kay Garcia, malaya na siya!

Ito ang mga pangyayaring nagpapakulo sa dugo sa mamamayang Pilipino. Palagi na lang nakukuha ng mga kriminal ang gusto nila. Palagi na lang ang mga kriminal ang tila nananalo. Dapat pumasok na si P-Noy sa pangyayaring ito, at sa lalong madaling panahon. Baka lumipad na naman ito at mahihirapan na naman habulin! At imbistigahan na rin bakit nagkaroon ng ganitong kasunduan kung saan maliwanag na luging-lugi ang gobyerno, ang bayan. Ano, pwede na palang magnakaw sa bayan at kapag nahuli, matatago mo pa rin ang kalahati? Excuse me! Mga katulad ni Carlos Garcia ang dapat nabubulok sa kulungan! Hindi dapat tawaging heneral. Ni hindi dapat kilalaning sundalo!

Show comments