Ano ba ang Paskong sa ati’y sasapit –
ito kaya’y mabituin at buwan sa langit?
Sa gayo’y maganda ang ating daigdig
sa tao at hayop na nasa paligid?
Ito ba ay Paskong di tulad nang dati –
magulo sa bahay at maging sa kalye?
Mga nagdiriwang laging nasa tabi
dahil sa pataya’t mga aksidente?
O ito ay Paskong ngayo’y nagbago na
sapagka’t naglaho rehimeng masama?
Sana naman sana o sana naman nga
masaya ang Paskong sa ati’y tatama!
Marami ng bagong nangyari sa atin
wala na ang palpak nating ‘‘hostage taking’’;
At pati si Ondoy ay naglaho na rin–
hindi na nadama sa bagyong dumating!
Saka sa gobyerno’y maraming nagbago
bago na ang ngayon ay ating pangulo;
Mga magsasaka’t mga empleyado
may darating kaya na saganang Pasko?
Sa sangay ng ating mga paaralan
ang bonus ng teachers kaya’y madagdagan?
Mga empleyadong sumobra ang yabang
sa ating gobyerno kaya’y mapalitan?
At ang Pasko nati’y magiging masaya
kung ang mga leaders ay nangagbago na;
Ang ‘‘graft and corruption’’ sana’y nawala na
upang ang mahirap nama’y guminhawa!
Malinis maganda ang mga lansangan
hindi na mabaho ang mga imburnal;
Daluyan ng tubig sa nayo’t sa bayan
wala ng basura at malinis tingnan!
Kung ito ang Paskong sa ati’y darating
tiyak maligaya itong bansa natin;
Sundalo’t terrorists magkasundo na rin –
mapayapang Pasko tiyak sasaatin!