EDITORYAL - Maligaya ba sa Krisismas?
PAANO magiging maligaya sa Pasko kung ang presyo ng mga pangunahing pangangailangan ay nagsitaasan na? Paano sasaya sa Pasko kung ang karampot na kita ay hindi makaabot sa presyo ng pang-Noche Buena?
Noong nakaraang Martes ay tumaas na naman ang presyo ng gasolina at sa darating na mga araw ay magtataas na naman umano ng presyo.
Nagbanta ang ilang transport group na hihingi sila ng P1 dagdag sa pasahe sa dyipni. At kung hindi raw pagbibigyan ang kanilang hiling ay mapipilitan silang tumigil sa pamamasada. Dahil daw sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng gasolina ay wala nang kinikita ang mga drayber. Ngayong Disyembre, tatlong sunud-sunod na pagtataas ang ginawa ng oil companies. Katwiran naman nila, tumaas ang bawat bariles ng langis sa world market. Hindi umano nila kontrolado ang pagtataas ng langis.
Kasabay nang pagtaas ng gasolina at pagbabanta ng transport group na hihirit ng dagdag pasahe, nagsimula na ring tumaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin. Kasamang tumaas ang presyo ng mga pagkaing ihahanda sa Pasko. Ayon sa report, tumaas na ang presyo ng hamon ganundin ang karne ng manok at baka.
Kapag tumaas ang presyo ng gasolina, asahan nang magkakaroon ng chain reaction. Tiyak na tataas din ang presyo ng mga pangunahing bilihin at walang ibang apektado kundi ang mga mahihirap na mamamayan. Gustuhin man ng mga mahihirap na makatikim ng pagkain na inaasam ngayong Pasko ay maaaring hindi na matupad dahil sa pagtaas ng bilihin. Magtitiis na lamang uli sa kung ano ang nakasanayan na Paskong tuyo. Walang nakaaalam kung hanggang kailan ang pagtaas ng presyo ng gasolina pero ang sabi ng mga oil companies, kapag taglamig ay mataas ang demand ng langis. Ibig sabihin, maaaring tumaas pa nang tumaas ang presyo sa world market dahil taglamig pa hanggang ngayon.
Paano magsasaya sa Pasko kung may mga problema. Paano liligaya sa Krisismas? Sana naman, makagawa ng paraan ang pamahalaan kung paano hindi masasaktan ang balikat ng mga mahihirap ngayong Kapaskuhan.
- Latest
- Trending