PARANG lumalabas na walang pumatay sa mag-iinang Vizconde sapagkat ang anim na pangunahing pinagsu-suspetsahan sa pagpatay ay pinawalang-sala na ng korte? Sina Hubert Webb at ang kanyang anim na kasamahan ay pinalaya na matapos ng 15 taong pagkakabilanggo. Nag-uumapaw sa saya ang mga pamilya ng mga pinalaya. Napanood sa TV nang palayain sina Hubert.
Ipinakita rin naman sa TV ang kalunus-lunos na hitsura ni Lauro Vizconde, na 15 taon ring nagdusa sa kahihintay na mahuli at maparusahan ang mga pumatay sa asawa at dalawang anak na babae. Nang lumabas ang hatol ng Korte Suprema na nagpapalaya sa mga dating akusado, hinimatay si Lauro at talaga namang hindi maitago ang sama ng loob nito. Hindi makapaniwala na makakawala sina Webb at mga kasama nito dahil sa inaakala ng kampo ni Mang Lauro na matibay ang kanilang pinanghahawakang ebidensiya at mayroon silang kapani-paniwalang saksi.
Kung hindi sina Hubert ang may kagagawan, sino ngayon ang pumatay sa mag-iinang Vizconde? Kasi naman ay wala nang iba pang inakusahan sa pagpatay sa mga Vizconde kundi sina Hubert. Ngayon pa ba magha-hanap na naman ng mga ibang salarin ang mga awtoridad? Kaya lang, sinasabi nila na hindi pa rin daw 100% na tunay na laya na sina Hubert dahil sa puwede pa rin daw silang kasuhang muli kapag nakakita ang prosecution panel ng mga panibagong ebidensiya na magbabago sa “beyond reasonable doubt” na pinagbasehan ng SC.
Mahirap talagang intindihin kung bakit tumagal ng 15 taon bago lumabas ang hatol ng korte. Nasaan ang hustisya sa bansang ito? Bakit kaya hindi ito sa isa sa mga inuna ng baguhin ng mga nakaraang constitutional conventions?
Dapat bigyan ng moral support si Lauro sa nangyari sa kanya. Hindi lamang NGO’s ang dapat tumulong sa kanya kundi pati na ang gobyerno. Grabe ang nangyari sa kanya.
Huwag namang tan-tanan ng mga awtoridad ang paghahanap sa dalawa pang suspect sa pagpatay.