Maayos na hustisya para sa lahat!
NGAYONG pinawalang-sala na sina Hubert Webb kaugnay ng Vizconde Massacre, nagtatanong na ang marami – sino ang pumatay sa mga Vizconde? Sa totoo nga, hinihikayat ngayon ang NBI at ang PNP na hanapin ang mga pumatay sa kanila. Mismong si Lauro Vizconde, ang kawawang padre de pamilya ng mga pinatay, ang humihiling na ng tulong mula sa lahat na hanapin ang mga demonyo na pinakawalan mula sa impiyerno noong gabing iyon. Nakuha ng mga Webb ang hustisya, bagama’t inabot ng 15 taon. Si Lauro, hinahanap pa ang hustisya.
At maikli na lang pala ang panahon para magawa ng NBI at PNP ang inuutos sa kanila. Kung hindi ako nagkakamali, kapag lumampas na ng 20 taon mula nang maganap ang krimen, hindi na yata puwedeng magpatuloy ang imbestigasyon. Kaya may ilang buwan na lang ang NBI at PNP na makahanap ng panibagong ebidensiya laban sa bagong suspek! Medyo mahirap na yata dahil sa tagal inabot ng pag-angat ng kaso sa Korte Suprema at makakuha ng desisyon. Hindi pa lumulutang sina Filart at Ventura, pero mahihirapan ang prosekyusyon na kasuhan sila kung parehong ebidensiya at testimonya ang gagamitin, na ibinasura na ng Korte Suprema.
Ito na rin ang dapat tingnan sa batas at sa mga proseso ng mga korte natin. Bakit inabot ng 15 taon para mapatunayan na walang-sala sina Hubert, base sa kanilang maraming ebidensiyang hinarap? Bakit halos hindi tinanggap sa mga mababang korte? Mabagal ba talaga ang proseso, o puwedeng mapabilis, lalo na sa mga kasong katulad nito kung saan hustisya para sa lahat ng biktima ang hinahanap? Labinlimang taon ang nawala sa buhay ni Hubert. Labinlimang taong apektado ang pamilyang Webb. Hindi na mababawi iyon. Dapat maayos ang mali sa sistemang ito.
Para kay Lauro, ako’y nagdadasal sa Diyos na sana mahuli pa rin ang mga kriminal na pumatay sa kanyang pamilya. Huwag nating kalimutan ang naunang biktima sa kasong ito. Kailangan pa rin ng hustisya para kay Vizconde. Kailangan may pagtatapos na maayos. Dalawang dekada na siyang nagluluksa para sa kanyang pamilya. Tama na ang dalawang dekadang kalbaryo. Huwag naman sanang magtapos ang kasong ito nang walang napaparusahan.
- Latest
- Trending