MAGSISILBING hamon kay Chief Supt. Franklin Bucayu, bagong hepe ng Police Regional Office 1 (PRO1) ang jueteng at patayan sa Ilocos. Si Bucayu ang pumalit kay Chief Supt. Orlando Mabutas na nagretiro na. Kung si Mabutas ay hindi napigilan ang jueteng sa Pangasinan, La Union, Ilocos Sur at Ilocos Norte, kayanin kaya ni Bucayu? Sa totoo lang, wala na ang pangalan ni Bucayu sa natitirang apat na heneral na naglalabanan para palitan si Mabutas, na miyembro ng PMA Class ’78. Sila ay sina Chief Supts. Arne de los Santos, hepe ng SPD, Emil Sarmiento, George Regis at Sammy Diciano. Subalit biglang bumarurot si Bucayu at sa tulong ng padrino niyang si Sen. Bongbong Marcos, aba nasungkit niya ang PRO1.
Bakit kaya pinayagan ni P-Noy na maupo ang bata ng kalaban ng pamilya nya sa puwesto? Nakalimutan yata ni P-Noy na ang ama ni Bongbong na si Pres. Ferdinand Marcos ang tinuturong may kinalaman sa pagpatay ng tatay niya na si Ninoy? Ang bilis mong lumimot P-Noy.
Para naman hindi mapahiya ang padrino niya na si Sen. Bongbong, kailangan magpasiklab si Bucayu. Sugpuin niya ang jueteng sa hurisdiksiyon niya, lalo na sa Pangasinan.
Hindi maitanggi ni Gov. Amado Espino ang jueteng sa Pangasinan dahil maraming naaresto ang Special Action Force (SAF) nang magsagawa ng raid ang mga ito sa puwesto ni Lito Millora noong nakaraang linggo. Bakit SAF ang inutusan ni PNP chief Dir. Gen. Raul Bacalzo
eh malinaw naman na ang dapat trabaho ng mga ito ay ang internal security operation (ISO) at ang iba pang grupo na kalaban ng gobyerno.
Sa pagsulpot ng jueteng sa PRO1, kinain din ni Interior Sec. Jesse Robredo ang pangako nya na ipasara niya ang sugal sa bansa. Panay sa papel lang pala ang kautusan ni Robredo. Kung ang mga pulis naman sa Pangasinan ang tatanungin, inginunguso nila ang STL sa boundary ng Zambales ang nasa likod ng koleksiyon ng taya sa jueteng. Kung sabagay, paano maipasasara ang jueteng sa Pangasinan kung tumataginting na P10 milyon ang kubransa kada araw.
Sa pisong taya, tatlong porsiyento ang napupunta sa governor at provincial police director, at 7 porsiyento ang para sa jueteng lord at mayor. Kung P300 milyon ang kubransa kada buwan, tumataginting na P9 milyon ang para sa governor at provincial director, at ang jueteng lord at mayor ang maghahati ng P21 milyon. Ang congressman naman ay mula P50,000 hanggang P100,000 kada buwan.