Si P-Noy at ang PALEA strike
SAKIT ng ulo ni Presidente Benigno Aquino III ang planong welga ng Philippine Airlines Employees Association (PALEA) ngayong Pasko. Mantakin n’yo naman na magwewelga ang nation’s flag carrier sa panahong daragsa ang sandamakmak na balikbayan sa Pilipinas, bukod pa sa mga dayuhang turista. Kapag naparalisa ang operasyon ng PAL, malaki ang impact niyan sa ekonomiya.
Pero may good news. Narinig ko ang isang interview sa telebisyon kay Atty. Marlon Manuel, abogado ng mga PAL employees at ang sabi niya’y iniliban muna nila ang paghahain ng notice of strike dahil namagitan na umano ang Pangulo at napigilan ang balak na retrenchment o pag-aalis sa mga kawani ng kompanya. Inatasan na ni Executrive Secretary Jojo Ochoa ang management at empleyado ng PAL na panatilihin ang status quo habang nireresolba ang problema. Sana nga’y tuluyan nang maresolba ang conflict na ito ng manangement at kawani ng PAL.
Mahirap ding trabaho ito kay P-Noy. Maninimbang siya ng todo para makahanap ng “win-win solution” na katanggap-tanggap sa management at mga empleyado.
Nauna rito, may warning ang management ng PAL na tatanggalin ang sinumang sasali sa welga nang walang benepisyong maaasahan. Ilang buwan na rin ang usaping ito na nakakaapekto sa operasyon ng PAL.
Batid ng Pangulo ang masamang ibubunga ng situwasyong ito kaya nakiusap na siya sa PALEA na ipagpaliban ang strike. Wika nga’y hintayin muna ang isinasagawang review ng kanyang mga opisyal sa mga isyung
inilalalatag ng magkabilang panig. Mukhang pumuntos uli ang Pangulo.
Pabor sa mga empleyado ng PAL ang inilabas na desisyon ng Labor department na makatatanggap ng karagdagang P50,000 ang bawat isa sa mga empleyado bukod sa halos isang milyong mismong retirement pay kapag natuloy ang pagsasara ng tatlong departamento ng naturang airline company.
Alam din ng administrasyon na masasapol ang ekonomiya ng bansa kapag naparalisa ang operasyon ng PAL dahil sa PALEA strike.
Hindi naman natitinag ang PAL management dahil alam nila na hindi basta magpapabaya ang administrasyon na maisaalang-alang ang isang aspeto ng pambansang pag-unlad at ang isang tradisyong Pinoy. Well, wika nga’y wala namang problemang di malulutas basta’t idinadaan sa mabuti at mahinahong usapan.
- Latest
- Trending