EDITORYAL - Hamon sa NBI
ISA sa dahilan kung bakit napawalang-sala sina Hubert Webb at limang sangkot sa Visconde massacre ay ang quality ng main witness na si Jessica Alfaro. Ayon sa Supreme Court, hindi raw totoong eye witness si Alfaro sa krimen kundi agent ng National Bureau of Investigation (NBI). Marami raw kaduda-duda sa mga testimonya ni Alfaro at hindi nito napatunayan ang guilt ng mga akusado. Pitong mahistrado ng Korte Suprema ang nagpawalang-sala kina Hubert at kapwa akusadong sina Antonio Lejano II, Michael Gatchalian, Miguel Rodriguez, Peter Estrada at Hospicio “Pyke” Fernandez. Gayunman, hindi kasamang napawalang-sala sina Joey Filart at Artemio Ventura sapagkat walang proceedings na ginawa laban sa kanila. Hindi pa naaaresto sina Filart at Ventura.
Pagkaraang ng 15-taon ay saka lamang nakita ang butas ng kaso at maituturing na isang malaking hamon sa NBI ang pangyayaring ito. Sa kanila (NBI) nakatuon ang publiko sapagkat humina ang kaso dahil sa kanila. Bago pa ang pagkakita kay Alfaro na mahinang witness, una nang napabalita na ang semen sample na nakuha sa ari ng biktimang si Carmela Vizconde ay nawala na sa NBI. Ang mahalagang ebidensiya na magtuturo sa mga may kagagawan sa krimen ay nawala at hindi na malaman kung saan napunta. Pambihira ang ganito. Onli in da Philippines lamang siguro nangyayari ang ganito.
Kahiya-hiya ang NBI sa nangyaring ito na pagkaraan ng 15-taon ay saka natuklasang ang kanilang witness ay hindi naman totoong eyewitness. Ngayong napatunayan na hindi credible si Alfaro na testigo, maaari pa ba nila itong pabalikin sa Pilipinas. Ayon sa report, nasa ibang bansa na si Alfaro,
Maaari pa rin namang maibangon ng NBI ang kanilang naguhong imahe kung pagpipilitan nilang madakma ang dalawa pang suspect sa massacre. Sinabi ng Supreme Court na hindi kasama sa acquittal sina Filart at Ventura kaya may pagkakataon pa ang NBI. Pagsikapan nilang maiharap ang dalawa at baka ang mga ito ang susi sa sensational na kaso. Baka isiwalat ng dalawa ang mga tunay na pumatay sa mag-iinang Visconde. Ito ay kung kaya ng NBI na matunton ang dalawa.
- Latest
- Trending