May demokrasya sa ating bansa

MARAMI man ang nanghihinayang sa pagkakabasura ng Korte Suprema sa Truth Commission ni President Pnoy, isang bagay ang nakumpirma natin: Buhay ang demokrasya sa bansa.

Sa ilalim ng diktaduryang rehimen, “ang utos ng hari ay hindi mababali” kahit mali. Naranasan natin iyan sa panahon ni Marcos.

Noong panahon ni yumaong Presidente Cory Aquino, walang sumalungat nang buuin niya ang Presidential Commission on Good Government (PCGG) na naglalayong habulin ang mga sinasabing nakaw na yaman ni Ferdinand Marcos. Kasi’y revolutionary government ang umiiral matapos lansagin ng People Power Revolution ang diktaduryang rehimen.

Nagmistula ring diktador si Cory sa maigsing panahon pero magiging kabalintunaan kung pagtatagalin niya ang kanyang awesome powers kaya agad niyang ibinalik ang demokrasya sa pamamagitan ng pagbuo ng “freedom cons­titution.” Lahat ng mga co-equal branches ng pamahalaan ay muling itinatag dahil ayaw ni Cory ng “one man rule.”

May mga salungatan mang opinion sa demokrasya, mas mainam na ito kaysa isang tao lang ang nagdidikta ng kapalaran ng bansa. Napatunayan na natin na ang paghahari ng iisang tao ay humahantong sa pang-aabuso.

Tutal, ang hangarin ni Pnoy na puksain ang korapsyon ay isang universally accepted principle. Marahil, sa halip na tuligsan ang Korte Suprema ay makipag-dialogo na lang ang ehekutibo rito at iba pang sangay ng pamahalaan para makabuo ng katanggap-tanggap na pormula sa pagsugpo ng katiwalian at pagpapanagot sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno noong nagdaang rehimen.

Demokrasya ang umiiral sa bansa at dapat tayong magalak dahil malayang nakakapag-participate ang mga mamamayan sa paghahayag ng opinion tungkol sa sari-saring isyu tungo sa ikabubuti ng Inang-Bayan.

Show comments