IBINASURA ng Supreme Court ang Truth Commission na nilikha ni President Aquino. Ang Truth Commission ang kauna-unahang Executive Order ni Aquino na ang layunin ay imbestigahan ang mga anomalyang nangyari sa administrasyon ni dating President Gloria Macapagal-Arroyo. Ilan sa mga kontrobersiya sa Arroyo administration ay ang national broadband network (NBN) deal sa ZTE company ng China, ang fertilizer scam, at iba pang pag-abuso habang nasa tungkulin. Pero binalewala ng Supreme Court ang Truth Commission sa botong 10-5. Ayon sa SC labag sa batas ang commission at binalewala ang nakasaad sa Equal Protection Clause ng Konstitusyon.
Ang pagbasura sa Truth Commission ay inaasahan na naman noon pa. Maraming nagsasabi na hindi papasa ang nilikha ni Aquino sapagkat ang mga boboto ay mga iniluklok mismo ng dating presidente. Sabi pa, maaari bang tuklawin ang kamay ng naglagay sa posisyon? Kung mangyayari iyon ay napakawalang-utang na loob ng iniluklok. Hindi siya marunong magpasalamat. Ang ganyang kalakaran ay nangyayari na noon pa. Magbabayad ng utang ang mga nabigyan ng pabor.
Sa nangyari, tama ang mga sinasabi na habang ang mga nakaupo sa SC ay ’yung mga iniluklok ng dating presidente, hindi siya masasaling. May katotohanan ang sinabing “untouchable” si Arroyo. Kung iisipin, mahusay ang plano ni Arroyo sapagkat bago siya bumaba sa puwesto ay iniluklok niya ang mga taong magpoprotekta sa kanya. At ngayon ay nangyayari na iyon.
Pero sa nangyari, hindi naman dapat tumigil si Aquino sa paghahanap ng ibang paraan para ganap na makita ang katotohanan. Kung tutuusin, marami pang paraan para maimbestigahan ang mga nangyaring anomalya. Ang maganda siguro ay ipunin ang mga ebidensiya at kapag inaakalang matibay na ay saka muling ituloy ang pakikibaka. Lalabas din ang katotohanan. Hindi dapat sumuko sa nasimulan. Kailangang malaman ng taumbayan ang totoo sa mga nangyaring anomalya sa Arroyo administration.