Football naman ang suportahan!
USAP-USAPAN ang pagkapanalo ng football team ng Pilipinas sa Vietnam, ang kinikilalang malakas na team sa rehiyon. Hindi kilala ang Pilipinas na malakas na football team, at kadalasan ay tambak sa mga palaro sa rehiyon at sa Asya. Ang huling panalo nga ng Pilipinas sa liga ng Asean Football Federation Suzuki Cup ay noong 2004 pa! Pero tila milagro ang nangyari noong Linggo ng gabi, sa teritoryo pa man din ng mga Vietnamese, kung saan tinalo ng ating mga Azkal ang Vietnam sa score na 2-0! Hindi makapaniwala ang marami sa nangyari, lalo na yung coach ng Vietnam. Sa sobrang pikon niya, pinintasan niya ang stilo ng laro ng ating mga manlalaro, at tinawag niya na pangit na football. Kesyo hindi raw ganun maglaro ng football. Pikon talo talaga!
Hindi lang talaga matanggap ang pagkatalo nila sa kinikilalang kulelat sa rehiyon! Napahiya kasi. Nakuha ng Pilipinas ang panalo dahil ma-galing ang ginawang depensa, sabay sugod sa kabilang goal para maka-score. Sabihin na natin na hindi sila ganun kagaling katulad ng mga naglalaro sa World Cup kung saan tila mga kamay ang mga paa sa galing ng pagpasa ng bola. Pero kung hindi naman sila nandaya at naglaro ng marumi, panalo pa rin iyon, kahit ano pa ang sabihin ng lahat! At hindi lang 1-0 ang score, kundi 2-0! Kaya walang mukhang maiharap talaga ang coach ng Vietnam sa tao. Balita ko, ni hindi kinamayan ang coach ng Pilipinas nang matapos ang laro. Pikon na, bastos pa!
Ang football ang pinaka-popular na laro sa buong mundo. Oo, higit pa sa basketball kung saan adik ang mga Pilipino. Panahon na para suportahan ang programa ng football sa bansa. Sa ngayon, mga pribadong indibidwal at grupo pa ang sumusuporta sa team. Sa football, hindi kailangan ng tangkad. Kailangan lang ng husay sa pagpasa ng bola, at bilis tumakbo. Tibay din ng loob ang kailangan dahil maaaring maging pisikal at marumi ang laro, katulad ng pinakita ng Vietnam noong natatalo na sila!
Kung ang Japan at Korea ay nakakapasok sa World Cup, bakit hindi ang Pilipinas? Suporta lang ang kailangan ng ating mga atleta. Suporta at tiwala. Kapag nandyan ang suporta at tiwala, tiyak gagaling at malayo pa ang mararating ng ating football team. Pag-aralan mabuti ang nagawa ng mga Azkal sa Vietnam. Posible ito!
- Latest
- Trending