MAKIPAGTULUNGAN lamang po kayo, eto ang pakiusap ng BITAG sa mga biktimang dumadating sa aming tanggapan upang magreklamo.
Malaking bahagi ng kooperasyon ng sinumang nagrereklamo at asset na nagbibigay ng impormasyon sa tagumpay ng bawat kasong tinatrabaho ng BITAG.
Oras na dumating kayo sa aming tanggapan, alam namin at naniniwala kami na kami’y inyong pagkakatiwalaan ng isandaang porsiyento.
Paalala ng BITAG sa lahat, huwag na huwag dumiskarte nang wala sa plano at pinag-usapan.
Dahil baka ang pinagpagurang imbestigasyon na sinimulan namin at ng mga otoridad, mawala na lamang sa isang iglap.
Ang babalang ito ay ipinapabatid ng BITAG sa lahat upang hindi tularan ang kagagawan ng isang biktimang lumapit sa aming tanggapan.
Biktima ito ng isang estilo ng pangangarnap, ang rent-tangay. Kung saan matapos niyang parentahan ang kanyang sasakyan, itinakbo ng miyembro ng sindikato.
Nagawa nang makuha ng BITAG ang lahat ng impormasyon sa kaso, maging ang pagkilala sa katauhan ng mga suspek.
Kumpleto na ang mga ebidensiyang magtuturo at bi-BITAG sa suspek ng rent tangay.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, sa mismong gabi ng operasyon kung saan ikinasa ang patibong laban sa mga suspek, nagkabulilyaso.
Lingid kasi sa kaalaman ng BITAG, nakipag-usap ng personal ang biktima sa kaniyang inirereklamong suspek.
Ang siste, hinikayat nito ang kolokoy na makipagtulungan sa amin at kasalukuyan nang tinatrabaho ang kanilang grupo.
Ang resulta, sunog ang nasabing operasyon. At ang suspek na hinikayat, hindi na muling nagparamdam pa, hindi na nagpakita sa biktima.
Sunog na nga ang operasyon, nabigyan pa tuloy ng panibagong pagkakataon ang karnaper na makapambiktima pa ng iba.
Magsilbing aral ito sa iba pang balak na lumapit sa aming tanggapan. Huwag kayong dumiskarte ng inyong sarili, iwasang magmarunong at pangunahan ang BITAG sa aming trabaho.
Kung sadyang matigas ang inyong ulo at gusto niyong magbakasakali sa hakbang na wala naman sa orihinal na plano, hindi kami ang dapat n’yong lapitan.
Mabuti ang nagkakalinawan kesa naman sa huli ay magkapikunan dahil lamang sa bastardong pakikialam.