Hinay-hinay sa Pasko?
MAY payo ang Palasyo. Hinay-hinay lang daw muna sa pagselebra ng Pasko, lalo na sa pagkain ng lechon, at iwasan na raw muna ang mga magagastos na Christmas party. Ang mga payo ay may kaugnayan sa programa ng pagtitipid ng administrasyong Aquino at payo para sa kalusugan na rin ng mamamayan. Pero mapipigilan mo ba ang pagdiriwang ng Pasko sa Pilipinas, na may isa sa pinaka-mahabang pagdiriwang ng Pasko sa mundo? Mapipigilan o mapapagsabihan mo ba ang pamilyang Pilipino na maghinay-hinay muna sa pagkain, kung saan ang kultura natin ay halos nakapaligid sa kainan tuwing may selebrasyon?
Sa panahon ngayon, ang pagdiriwang ng Pasko ay hindi na lang para sa mga Kristiyano lamang. Dahil nataon sa katapusan ng taon, pagdiriwang na rin ito sa isang taong nakalipas. Isang taon ng pagtatrabaho at pagsisikap, isang taon ng paghihirap. Kaya mga bansa na hindi naman Kristiyano ay tila may selebrasyon na rin sa Disyembre. Mga taong hindi naman Kristiyano ay may selebrasyon na rin sa katapusan ng taon. Tila gantimpala sa mga sarili para sa taong nakalipas.
Siguro ang dapat pagsabihan ng Palasyo ay mga GOCC, kung saan nalaman ng publiko ang laki ng kinikita ng mga opisyal, pati ang sari-saring mga bonus na natatanggap. Dapat nga wala nang mga bonus ang mga iyan, at ilang taon na rin silang tumatabo ng pera mula sa bayan! Sila ang mga dapat pagsabihan na huwag nang magdiwang ng Pasko dahil tila Pasko naman sa kanila buong taon!
Sa tingin ko ay hindi mapipigilan ang pamilyang Pilipino sa pagdiwang ng Pasko. Kahit ang pinaka-mahirap na pamilya ay naghahanda. Ginagawan ng paraan na pagdating ng noche buena, ay may mahahandang iba sa pang araw-araw na kinakain. Ang Paskong Pilipino nga naman ay para sa pamilya, mahirap man o mayaman. Kung may dapat pagsabihan ang Palasyo, iyan yung mga hindi karapat-dapat magdiwang ng Pasko dahil sa pinanggalingan ng kanilang mga kayamanan. Katulad ng mga opisyal ng GOCC at GFI. Insulto sa mamamayang Pilipino ang malaman pa nila na sila’y nagdiwang ng labis-labis. Para namang kulang pa ang mga benepisyo nila itong mga nakaraang taon. Kung hindi pa nagpalit ng administrasyon, baka araw-araw, buwan-buwan, Pasko pa rin sa kanila!
- Latest
- Trending