GINUGULO ang major roads sa Maynila ng “kuliglig” at “padyak” -- bisikletang de-motor o de-pedal na kinabitan ng pampasaherong sidecar, pampasada. Kuma-counter-flow, sumisingit-singit sa pagitan ng mga kotse, nakakasagi at gasgas, ipinapanganib ang pasaheros. Walang prangkisa ang sasakyan, at malamang wala ring lisensiya ang tsuper.
Binaha ng complaints ang Manila city hall. Inutos ni Mayor Fred Lim na hakutin lahat ng “kuliglig” at “padyak” operators at drivers, para i-seminar sa wastong pagmamaneho. Ang tugon ng mga tuturuan sana: “Magwewelga kami, dahil yinuyurak ang aming hanapbuhay.”
Malinaw na ginagaya ng “kuliglig” at “padyak” ang Metro Manila bus operators and drivers. Nagwelga ang mga bus nu’ng Nobyembre 15 bilang protesta sa pagbalik nila sa number-coding vehicle reduction sa EDSA. Nang 40 lang sa 140 operators ang pumasada, dumaloy at umayos ang EDSA traffic; napatunayang sila ang nagpapasikip at nagpapagulo sa main artery ng Kamaynilaan. Sayang at hindi natuloy ang welga ng mga “kuliglig” at “padyak”, para mabisto rin ang kasamaan nila.
Makikita sa baluktot na katuwiran ng bus at “kuliglig-padyak” operators at drivers — isama na rin ang jeepneys, tricycles, taxis — ang kamalian ng sistema. Inaagaw nila ang kalsada sa maling pananaw na kanila lang ‘yon para maghanapbuhay. Hindi nila matanggap na para sa lahat ng kalsada, kabilang ang pedestrians na pinipinahan nila.
Tanungin kung bakit ang jeepney at taxi drivers kapag magsakay at magbaba ng pasahero ay hinaharangan ang mga kapwa. Kasi, ayaw nilang maunahan sa pasaheros; kung hindi, kapos ang “boundary” o bayad sa operator. Bakit ang mga bus nagkakarera patungong stops? Gan’un din ang rason.
Mali ang boundary system. Hindi magbabago ang katwiran ng operators at drivers hanggat hindi ito alisin. Tama na, sobra na!