BAKIT ayaw sumuko ni Sen. Panfilo Lacson at harapin ang mga paratang sa kanya tungkol sa pagkakadawit sa Dacer-Corbito double murder? Pride kaya?
Ayaw daw niyang maposasan at kunan ng retrato tulad nang ginawa kay dating Presidente Estrada noon.
Sabi niya, hindi siya susuko nang buhay dahil wala siyang kasalanan at ibig niyang matiyak na malalapatan siya ng hustisya. Bawat taong hingan ko ng opinion ay naniniwalang dapat sumuko si Lacson kung nais linisin ang kanyang pangalan.
Dalawa lang ang posibleng dahilan ng pagtangging sumuko ni Lacson: Kawalan ng tiwala sa justice system o; talagang may kasalanan siya. Pero sa taong nag-iisip, pinakamainam na ang sumuko at patunayang mali ang mga paratang sa kanya.
Ang payo sa kanya ni Executive Secretary Paquito Ochoa, dapat pagtiwalaan ni Ping ang Philippine Justice System. Oo nga naman. Bagong administrasyon na ito at lumipas na ang mga administrasyong dapat katakutan tulad ng gobyerno ni Estrada at Arroyo. Si dating Presidente Estrada ay naging mortal na kalaban ni Ping pero matagal na siyang lipas.
Sa administrasyon ni Gloria Macapagal –Arroyo, maaari siyang pulitikahin at ipagdiinan sa kaso dahil alam naman natin na ipinagduldulan ni Lacson si First Gentleman Mika Arroyo sa bilyung-bilyong pisong ano-malya ni “Jose Pidal”.
Bakit kaya tila natatakot si Lacson kahit sa bagong administrasyon ni Presidente Noynoy Aquino? Kung ako siya, magtitiwala ako na maidi-deliver ang katarungan (kung talagang inosente siya) dahil dati niyang kasamahan sa Senado ang Presidente.
Matagal nang nagtatago si Lacson at alam natin na sa batas, ang pagtatago ay katumbas ng pag-amin sa kasalanan. “Flight is guilt” sabi nga.
Ang tanong ng barbero kong si Mang Gustin, “hindi kaya totoo na may unholy alliance sina Noynoy at GMA na pinangangambahan ni Ping?” Hmmm…ewan!