Moving on?

WALANG nagulat sa desisyon ng Hong Kong government na magsagawa ng sariling inquest o imbestigasyon sa Luneta Hostage Tragedy. Kahit pa pinabayaan nang mauna ang IIRC imbestigasyon ni Sec. Leila de Lima, hindi mapupulaan ang karapatan ng gobyerno ng HK na humakbang para sa ikabubuti ng kanilang mamamayan.

Siyempre, may umaasa, tulad ng pahiwatig ng mga spokesman ng Palasyo, na ibabaon na sa limot ang insidente. Move on na daw. Nabigyan na ang Coroner ng Hong Kong (ang opisinang magsasagawa ng inquest) ng kopya ng IIRC report at ng imbestigasyong ginawa ng mga HK police na apat na beses nagbalik-balik sa Pilipinas. Sa kabila nito ay pinagpasyahan pa ring ituloy ang sarili nilang pagsusuri. Ang mensahe ay maliwanag: Wala kaming tiwala sa proseso ninyo. Gaya ng paniwala ng kamag-anak ng namatay na tour guide, makapagbibigay daw ang Hong Kong ng mas propesyunal na desisyon.

Sa ganitong panibagong imbestigasyon mauungkat muli ang mga kaganapan sa Luneta. At sa tenor ng disgusto na pinahayag mismo ng HK Chief Executive Donald Tsang sa aksyong isinagawa ni P-Noy sa rekomendasyon ng IIRC, mahihirapan pa ba tayong hulaan kung ano ang magiging resulta ng inquest?

Sa ilalim ng batas ng HK, ang isang Coroner’s inquest ay limitado sa determinasyon ng kung paano, kailan o saan namatay ang isang tao. Hindi nito trabaho ang hatulan ang akusado tulad ng sa paglilitis ng krimen sa hukuman. Magi-ging sensitibo pa rin ang hearing dahil may kapangyarihan ang Coroner na ideklara na ang isang pagkamatay ay aksidente lamang o resulta ng masamang intensyon o ng kapabayaan. Sa mata ng batas, ang pananakit na resulta ng kapabayaan ay katumbas na rin ng pananakit na sinasadya.

Malinaw na itutukoy ng husto ng HK sa Coroner’s in­quest na ang pagkamatay ay hindi aksidente at resulta ng kriminal na kapabayaan. Hindi matatawaran ang potensiyal ng ganitong deklarasyon na muling manggising ng galit. Move on kamo? Mukhang matagal pa ang kalbaryo.

Show comments