Numero dose
PAG-USAPAN natin ang isang dahilan ng pagsulong ng RH Bill, ang populasyon ng Pilipinas. Nagulat ako nang tumingin ako sa website na Wikipedia, na ang Pilipinas ay panglabindalawa sa pinakamaraming tao sa mundo! Mas marami pa tayo sa populasyon ng Germany, France, UK, Italy at Spain. Pero tingnan naman kung gaano kaunlad ang mga bansang nabanggit!
Siyamnapu’t-apat na milyon na ang populasyon ng Pilipinas. Hindi pa ba ito sapat na dahilan para pag-aralan muli ng simbahan ang kanilang katayuan ukol sa pagkontrol ng populasyon? Ano na ang magiging populasyon ng Pilipinas sa 2020?
Kapag dami ng tao ang napag-uusapan, hindi na rin nalalayo ang tanong ukol sa pagkain. Sapat ba ang pagkain para sa lahat ng Pilipino? Sa tingin ko naman ay sapat, kung gagamitin ng tama ang lahat ng lupain sa bansa. Sapat na irigasyon sa mga palayan. Patuloy na pagpapatakbo at pag-aalaga ng industriya ng babuyan, manukan, palaisdaan at iba pa. Ang dapat itanong, may pambili ba ng pagkain ang lahat ng Pilipino?
Masusukat iyan sa panahon ng Pasko. Kung may katangian ang Paskong Pilipino, ito ang kainang nagaganap sa bisperas ng Pasko at Bagong Taon. Mula sa pinaka-mayaman hanggang sa pinaka-mahirap na pamilya, may handa sa medya noche at noche buena. Kapag maraming pamilya na ang hindi man lang makapaghanda sa mga araw na iyan, palatandaan na rin ng ekonomiya ng bansa.
Pag-aralan nang mabuti ang RH Bill. May pahayag na ang Santo Papa ukol sa paggamit ng condom para mapigilan ang pagkalat ng AIDS. Baka naman puwede na rin isali ang pagpigil ng paglaki ng populasyon? Kung hindi, baka lumobo nang husto, at dumating sa panahon na magkukulang na ang pagkain para sa milyun-milyong mamamayan!
- Latest
- Trending