Mabagal ang hustisya sa Maguindanao massacre

USAP-USAPAN ng mga Pinoy dito sa US ang mabagal na pag-usad ng hustisya sa Pilipinas lalo na ang Ma­guindanao massacre na ang pangunahing suspect ay si dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan, Jr. Bukod kay Andal Jr. kasama ring kinasuhan ang kanyang amang si Andal Sr. at kapatid na si dating ARMM Gov. Zaldy Ampatuan. Kasama rin sa mga sinampahan ng kaso ang 197 na mga tauhan na umano’y sunud-sunuran sa pamilya Ampatuan. Marami pang salarin na pinaghahanap ka­ugnay sa pagpatay sa 58 katao, kung saan 32 dito ay mga mamamahayag. Pinagbabaril, tinaga at sinaksak ang mga biktima at saka ibinaon sa sinadyang hukay. Nangyari ang krimen noong Nob. 23, 2009.

Babaing judge ang humahawak sa kaso — si Judge Jocelyn Solis-Reyes. Maraming humihiling sa Supreme Court na payagan ang TV coverage sa paglilitis. Tutol ang mga abogado ng Ampatuans sa panukala. Hindi ko maintindihan kung bakit sila tutol?

Maraming Pinoy dito ang nagsasabi na mabagal ang paglilitis. Hindi dapat magkaganito sapagkat maraming saksi. Maraming nagsasabi nakita ang pagpatay. Siguro naman daw ay hindi magkakamali ang mga ito.  

Oo nga at may mga batas na sinusunod subalit maliwanag ang mga ebidensiya at mga saksi na handang tumestigo. Sana naman ay bilisan ang pagkakamit ng hustisya sa kasong ito at huwag gamitin ang palusot na maghintay na lamang tayo na mabago ang mga batas at legal proceedings. Huwag hintayin na mapuno ang mamamayan sa paghihintay ng hustisya.

Show comments