HINDI kataka-takang sa Tondo itinatag ang rebolusyonaryong KKK. Tondo ang sentro ng komersiyo ng Maynila, na capital ng kolonyang Pilipinas nu’ng 1896. Doon sa piyer nagkaka-kilala ang mga taga-iba’t ibang isla ng Pilipinas, at nakakasalamuha ang mga taga-ibang bansa. Nagkukuwentuhan sila tungkol sa mga kaganapang lokal at pandaigdig, nagpapalitan ng mga libro at kaalaman, at minumulat ang isa’t-isa.
Laking Tondo ang magkakaibigang sina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, at Macario Sakay. Ang dalawang nauna ang namuno sa Kataas-taasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan. Si Bonifaco, na isinilang nang Nobyembre 30, 1863, ang tumayong Supremo sa edad-33. Itinalaga si Jacinto, na isinilang nang Disyembre 15, 1865, na heneral ng mga rebolusyonaryong puwersa sa Maynila, sa edad-31. Isa sa mga ayudante ni Jacinto si Sakay, na isinilang nang Marso 1, 1870, at sumali sa himagsikan sa edad 26.
Masuwerte ang kapitbahay na mestisong Tsino nina Bonifacio at Jacinto. Nanalo ito sa Macau lotto at binalatuhan sila nang kalahati. Agad ipinambili nina Bonifacio at Jacinto ang pera ng imprenta. Isinakay nila ang maingay na makina sa tren, patungong Dagupan. Habang umaandar, nilimbag nila ang kauna-unahan at kaisa-isang isyu ng Kalayaan, pahayagan ng Katipunan. Halos 200 kopya lang ang inimprenta, pero libu-libo ang nakabasa, sumama sa Unang Sigaw sa Balintawak, at bumuo ng Katipunan sa kani-kanilang probinsiya.
Fast forward, ipinapatay si Bonifacio sa Cavite. Macapagal ang apelyido ng Katipunerong bumaril sa kanya. Nilisan ni Jacinto ang pook ni Emilio Aguinaldo, at ipinagpatuloy ang himagsikan sa Majayjay, Laguna, hanggang mamatay sa malaria.
Itinuloy ni Sakay ang pakikidigma sa Amerikano, matapos mahuli si Presidente Aguinaldo sa Palanan, Isabela. Nang mahuli rin siya, binitay si Sakay sa imbentong paratang na pagnanakaw sa taumbayan.