DIYOS na talaga ang nagligtas sa isang buntis na pinagsasasaksak ng 24 na beses sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan, binaril sa binti at itinapon sa isang bangin, dahil inakalang patay na! Habang nagdurugo mula sa mga sugat na natamo niya, pinilit niya ang kanyang sarili na gumapang paakyat mula sa bangin, at umabot sa pinto ng isang magsasaka. Doon siya humingi ng tulong para madala sa ospital. Milagro, at patunay sa lakas ng kanyang loob na mabuhay, para sa kanyang hindi pa nasisilang na anak, at para maparusahan ang mga halimaw na gumawa nito sa kanya!
Ang mga halimaw ay dalawang pulis! PO2 Mario Natividad at PO1 Antenor Mariquit. Ang biktima ay testigo umano sa mga “hulidap” na aktibidad nung dalawang pulis, at handa na dapat tumestigo laban sa kanila. Kaya inisip nung dalawang halimaw na “ligpitin” na lang yung biktima. Ganyang klaseng krimen, ganyang klaseng paraan ng pagpatay, para lang sa baryang pera? At mga pulis pa! Mga dapat nagbibigay proteksyon sa mamamayan! Mga dapat nagpapatupad ng batas! Paano nakalusot ang dalawang ito, at makapagtapos sa pagiging pulis? Ganito na ba ang mga nilalabas ng akademiya ng PNP? Paano na naman maaayos ng PNP ang imahe nito sa publiko, kung mga ganyang klaseng krimen naman ang kinasasangkutan ng mga pulis? Mga walang konsensiya sa pagpatay ng tao, kahit babae at buntis pa!
Nasa kulungan na raw ang dalawa, at hinahanap pa ang isang tumulong sa kanila sa pagdakip sa biktima. Ayokong isipin na may karapatan pa sila, matapos ng kanilang ginawa sa biktima. Kung linigtas ng Diyos yung biktima, sana patamaan na rin ng kidlat yung mga kriminal, para tapos na ang hustisya! Baka may isang matinik na abogado pa diyan na magpapalaya pa sa mga halimaw na pulis na ito!
Pero ganun ang sistema ng hustisya, lalo na dito sa Pilipinas. Tila lahat ng karapatan ay nabibigay sa mga akusado, at pasensiya na lang para sa mga biktima. Ilang mga sikat na kriminal ang pinalaya ni Gloria Macapagal Arroyo. Ilang mga rebeldeng sundalo ang malapit nang pakawalan. Mahirap minsan tanggapin ang sistema, pero sa ngayon, iyan nga ang nasusunod.