EDITORYAL - Paggamit ng condom
KONTRANG-KONTRA ang Simbahan sa anumang bagay na humahadlang sa contraception at kabilang dito ang condom. Kaya marami ang namangha sa comment ni Pope Benedict XVI ukol sa condom. Hindi akalain na bibigyang halaga ng Papa ang paggamit ng condom para maiwasan ang nakahahawa at nakamamatay na Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS). Sa librong “Light of the World: The Pope, the Church and the Signs of the Times”, sinabi ng Papa na sa ilang tao, halimbawa ay ang isang male prostitute na gumamit ng condom para maiwasan ang AIDS, ito ay masasabing isang “hakbang sa moralisasyon”. Natameme ang mga kaparian sa buong mundo sa sinabi ng Papa. Ito ang unang pagkakataon na nagpahayag ang Papa na may kaugnayan sa isang sensitibong isyu. Napakadelikadong paksa nito.
Sa simula pa lamang ay laban na ang Simbahan sa paggamit ng condom at iba pang kontraseptibo. Ang ipino-promote nila ay ang natural na pamamaraan sa pagpaplano ng pamilya. Sa mga sinabi ng Papa, tila isa itong indikasyon na nakikita na nila ang kahalagahan ng condom. At sino ang makapagsasabi na baka sa mga darating na panahon, mapagtanto rin ng Simbahan na hindi lamang ang pagkalat ng AIDS ang maiiwasan sa paggamit ng condom kundi isa rin itong gamit para sa epektibong pagpaplano ng pamilya.
Patuloy ang pagdami ng mga nagkaka-AIDS sa bansa at kung hindi mae-educate ang mga mamamayan, marami pang magkakaroon nito. Sa kasalukuyan, sinasabing ang mga nagtatrabahio sa call center ang kadalasang biktima ng AIDS. Mula Enero hanggang Oktubre 2010, umano’y 1,305 na ang naitalang may AIDS. Sa kabuuan, 5,729 na ang may AIDS sa bansa mula nang ma-detect noong 1984.
Ngayong nakita ng Papa na may kabutihan sa paggamit ng condom para hindi kumalat ang sakit, marahil maaari ring makita niya kahalagahan nito sa pagpaplano ng pamilya. Ang populasyon ng Pilipinas ay lumulobo na at kung patuloy na babalewalain ang pagdaming ito, lalong mababaon sa hirap at daranas ng pagkagutom ang nakararaming Pilipino.
- Latest
- Trending