'Kadiri...'(Huling Bahagi)
HUWAG padadaya sa nakikita ng mga mata dahil mara-mi ang nagkakamali sa unang tingin lamang.
Katulad ng mga pagkaing nasa isang puwesto gaya ng panaderya. Magarbo, maganda at malinis ang itsura ng establisimento subalit ang hindi nakikita ng mata, ang proseso ng paggawa ng mga tinapay.
Eto ang istorya ng panaderyang napasok ng BITAG. Pagmamay-ari rin ng isang dayuhang negosyante sa Caloocan, bukod sa arina at asukal, may iba pang sangkap na ginagamit ang mga panadero pampalasa ng kanilang tinapay.
Hindi lang kasi mga insekto sa paligid, agiw sa kisame at maruming palikuran ang kinalalagyan ng minamasang tinapay, kundi mga pawising panadero na walang gloves o guwantes, hairnet at apron sa paggawa ng tinapay.
Ang resulta, katulad ng sinapit ng ilang establisimento ng pagkain na napasok ng mga otoridad at kawani ng city hall, naipasarado ang nasabing panaderya.
Ang aral dito, hindi lamang ang kaanyuan o ka-presentablehan ng isang establisimento ng pagkain ang basehan ng kalinisan sa kanilang inilalakong produkto.
Kinakailangang maging mapanuri ng higit pa sa nakikita ng ating mga mata. Nasa tao ang pag-iingat sa mga pagkaing isinusubo sa ating mga bibig.
At sa mga negosyanteng ang produkto ay pagkain, may responsibilidad na nakaatang sa inyong pagha-hanapbuhay.
Isipin ang kapakanan ng mga taong tatangkilik ng inyong produktong pagkain. Sa mga kapalmuks at walang pakialam na negosyanteng ang iniisip lamang ay kumita ng pera, may katapat na patibong ang inyong pananamantala.
Dito, patuloy na nagpapaalala ang BITAG na sa pagpapalabas namin ng ganitong uri ng imbestigasyon, hindi namin intensiyon ang manira at sumira ng negosyo.
Hangarin naming magbigay ng babala sa publiko na maging maingat sa mga pagkaing ating isinusubo. Hindi lahat malinis at hindi rin lahat, Kadiri.
Hangga’t may lu-malapit sa aming tanggapan upang maglakas loob na ibunyag ang nasa likod ng bawat pagawaan...Patuloy kaming magpapalabas ng mga ganitong im-bestigasyon sa telebisyon hindi upang manira. Bagkus, ang mga ito ay nagsisilbing mga babala at paalaala.
- Latest
- Trending