Isa sa pinalakpakang bahagi ng talumpati ni Pangulong Benigno Aquino noong manumpa siya sa Quirino Grandstand noong Hunyo 30 ang pangako na magkakaroon na ng kaayusan sa mga kalsada kaya siguro sinabi niya na, “walang wang-wang, walang counterflow, walang tong”.
Halos wala na ngang gumagamit ng wang-wang sa Metro Manila. Kung meron man, yon na lang yong natitirang mga makakapal ang mukha. Umiiwas na rin ang mga motorista na mag-counterflow. Pero yong “tong”. Hindi ko sigurado kung wala na rin yan.
Dahil gusto ng Pangulo na maayos ang ating mga kalsada at mawala ang mga abusadong drivers, ito siguro ang dahilan kung bakit palaging may nagbabantay na traffic enforcers ng Maynila (dilaw ang uniporme) diyan sa kanto ng United Nations Avenue at Romualdez St.
Inaabangan ng mga ito ang mga sasakyan sa UN Ave. na kumakanan sa Romualdez St. kapag nakapula ang traffic light. Wala diyang nakalagay na “NO RIGHT TURN ON RED SIGNAL” kaya kung ikaw ay driver, awtomatikong liliko ka sa kanan kahit pula ang ilaw lalo na’t wala ka namang maaabala at wala namang traffic diyan dahil one way ang kalye.
Hindi mo makikita ang mga nakadilaw na traffic enforcers dahil ilang metro ang layo nila sa mismong kanto. Hindi mo rin iisipin na may dalawa diyang traffic enforcers na kung minsan ay may escort pang dalawang pulis.
Paging Mayor Alfredo Lim, baka gusto mong bigyan ng awards itong mga traffic enforcers na ito ng Maynila na sa sobrang sipag sa pagbabantay na maging pula ang traffic lights. Isama na rin yong dalawang pulis na umieskort sa kanila na bigyan ng awards.
Hindi ko sinasabing nangongolekta sila ng tong kaya sila nagbabantay ng mga sasakyang kumanan diyan sa Romualdez kapag pula ang ilaw. Ang sabi ko bigyan sila ng awards dahil sa kanilang kasipagan. Mahirap kayang tumunganga at magbatay sa traffic lights.
Mayor, huwag nyo na rin ipag-utos na palagyan ng sign na “NO RIGHT TURN ON RED SIGNAL” yang kantong yan ng Romualdez St. para naman hindi mawalan ng “trabaho” yang masisipag na traffic enforcers ng Maynila.