'Kadiri..' (Ikalawang Bahagi)

Sa patuloy na magandang ugnayan ng grupo ng BITAG at mga otoridad na aming nakakasama sa bawat trabaho, napapadali ang pagtuklas sa mga tagong aktibidades na hindi kaaya-aya sa lipunan.

Ang kadiring pagawaan ng taho ay mula mismo sa timbre ng Manila City Hall Special Operations Group na suki na ng BITAG taong 2006 sa bawat operasyong isinasagawa namin sa Maynila.

Umano’y marumi at hindi tama ang proseso ng paggawa ng taho ng isang negosyante sa Sta. Mesa Manila.

Sorpresa ang inspeksiyong isinagawa ng grupo ng SOG sa nasabing pagawaan at lahat ng pumasok sa pagawaan ay nagulantang sa eksenang dinatnan habang inihahanda ang pagluluto sa pagkaing taho.

Sinalubong kami ng mga nagliliparan, naggagapangan at nagtatabaang ipis. Sa loob mismo ng pagawaan ng taho, may manukan.

Pangkaraniwan ang itsura subalit talagang nakakaba-ligtad sikmura nang makitang ang tubig na ginagamit at sali-nan sa mga nalutong taho ay mula sa kubeta ng pagawaan.

At ang kabuuan ng pagawaan, bagsak sa pamantayan ng Health and Safety Department ng Lungsod. Bukod kasi sa mga nabanggit sa taas, may kahalo pang bangaw at agiw ang kabuuan ng pagawaan.

Katulad ng naging epekto matapos naming maipalabas ang ipis-cracker, pansamantalang nanlamig din ang industriya ng paglalako ng taho.

Muli, ipinaalala namin sa buong bansa, na hindi namin nilalahat ang mga pagawaan, may mangilan-ngilan talagang negosyanteng burara sa kanilang negosyong pagkain at dapat itong tuldukan.

Tumaas naman ang kilay at halos lumuwa ang mata ng lahat nang makita sa telebisyon ang isang ulo ng daga  sa loob ng sardinas.

Isang maybahay ang nakadiskubre nito nang sa kanilang hapunan, lulutuin sana ang isang malaking lata ng sardinas.

Napansin niyang may na-kalawit na tila buhok sa bunga­nga ng lata at ng hilahin ito ng ginang, bumulaga sa kaniya ang ulo ng daga.

Noong gabi ring iyon, napatakbo ang ginang sa aming tanggapan at ipinakita ang laman ng sardinas.

Sa tulong ng Department of Health Consumers Complaint Division, nagpaliwanag ang ahensiya sa publiko kung makakaranas ng ganitong uri ng mga pangyayari.

Sila ang ahensiyang maaa-ring puntahan sa anumang rekla­mong tulad nito o yung tinata­wag na pagkakaroon ng foreign object sa isang selyadong pagkain.

Ipinaliwanag rin ng University of the Philippines Manila- Dept. of Parcetology College of Public Health, bagamat hindi pa nakain ng isang indibidwal ang mga pagkaing may foreign object, maaari naman itong maging sanhi ng psychological trauma at anxiety kaninuman.

At sa mga ganitong kaso ta­nging ang nagrereklamo at ini­re­reklamong kumpanya na guma­wa sa pagkain ang usapan hinggil sa kanilang mga pag-aayos o anumang pag-uusap sa kaso.

Subalit babala ng BITAG sa mga magrereklamo ng ganitong kaso, alam namin kung kami ay inyong ginagamit upang magkamal ng salapi mula sa kumpanyang may gawa sa pagkain.

Alam namin kung kayo’y nag­sasabi ng totoo o kung may lihim kayong intensiyon sa inyong pagsusumbong. Huwag magkamali sa BITAG, sa harap mismo ng aming camera, babalatan namin ang inyong pagkatao...

Abangan ang huling bahagi...

Show comments