Editoryal - Hanggang kalian maghihintay?

ISANG taon na ang nakalilipas mula nang ma­ganap ang pinaka-karumal-dumal na pagpatay sa Pilipinas. Wala pa raw nakahihigit sa minsanang pagpatay na ito. Limampu’t walong katao ang pinatay subalit 57 lamang ang narekober na bangkay. Walang makapagsabi kung saan napunta ang ika-58 biktima. Sa 58 pinatay, 32 rito ay mga mamamahayag. Bilang pag-alala sa mga biktima, patutugtugin ng 57 segundo ang mga kampana sa maraming simbahan sa Pilipinas. Bukod sa pagtugtog sa kampana, kabilang din sa homily ng mga simbahan ang may kaugnayan sa massacre. Ito ay para maipabatid at maipaalala sa taumbayan ang karumal-dumal na krimen.

Hanggang ngayon ay hindi matanggap ng mga naulila ang sinapit ng kanilang mahal sa buhay. Hindi nila akalain na ang lahat ng kasama sa convoy na iyon patungo sa Shariff Aguak sa Maguindanao ay mamamatay. Magpa-file ng candidacy ni Buluan Vice Mayor Ismael Mangudadatu ang grupo, kabilang ang asawa ni Mangudadatu, nang harangin sila sa highway ng may 100 sandatahang lalaki. Isa umano sa mga humarang ay si dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. Pinababa sa sasakyan ang grupo at saka pinagbabaril. Nagmamakaawa na umano ang mga biktima subalit hindi na ito naririnig ng mga kalalakihan na tila “uhaw sa dugo” ng kanilang kapwa na karamihan pa ay mga babae.

Sinampahan ng kaso ang mga Ampatuan, kanilang kaanak, mga pulis at militiamen pero ang kalahati pa ng mga suspect ay hindi pa nahuhuli. Patuloy pang nagtatago at walang nakababatid kung paano mahuhuli.

Dalawang beses sa isang linggo kung mag-hearing sa kontrobersiyal na kaso para maging madali ang paglilitis pero para sa mga kaanak ng biktima, napakabagal ng pag-usad. Isang taon na nga naman ay wala pa silang nakikitang liwanag sa kaso at meron pa ngang nakalalaya. Hanggang kailan nga ba sila maghihintay sa pagkakamit ng hustisya.

Marami namang humihiling sa Supreme Court na ipakita sa TV ang live coverage ng paglilitis. Maski ang Simbahan ay nananawagan na ipakita ito ng live.

Dapat mapanood ng mamamayan ang paglilitis. Kailangang malaman ng taumbayan ang nangyayari sa karumal-dumal na kaso.

Show comments