DAPAT kapani-paniwalang isalaysay ng militar ang pagkapatay kay batikang botanist Leonard Co nang maipit umano sa bakbakan sa gubat.
Malabo sa mga unang ulat kung nagkabakbakan nga ba nu’ng Nob. 15 sa bulubunduking baryo ng Lim-ao, Kananga, Leyte. Pero tiyak kung bakit naroon si Leonard, biodiversity consultant ng Energy Development Corp. Kasama ng dalawang EDC foresters at dalawang giya, nangangalap siya ng seed specimens para sa reforestation. Nakikipag-ugnayan sa Army 19th Infantry Battalion sa pook, pinahintulutan ng EDC security ang lakad. Ginimbal ng putukan ang kagubatan: Lagpak-patay sina Leonard, isang forester at isang giya. Tatlo ang tama ng bala sa likod ni Leonard. Sinabi ng battalion sa pulisya na nakaenkuwentro nila ang New People’s Army.
Sino ang bumaril sa tatlo? Bakit tatahak ang mga bihasang foresters at giya sa peligrosong pook? Ano ang pruweba ng bakbakan? Bakit salu-salungat ang mga kuwento? Nasaan ang mga kagamitan nina Leonard?
Nagdispatsa ng patrolya si battalion chief Lt. Col. Fe-derico Tutaan sa hiling umano ng EDC. Pinabubulaanan ito ng EDC. Inamin umano ni Tutaan sa press briefing na unang nagpaputok ang isang sundalo nang mamataan ang mga estrangherong may M16 rifles. Kung gan’un, may naitumbang isa man lang na kaaway ang militar, pero wala namang bangkay ng rebelde na naipresenta. Ganunpaman, nang-ambush ang mga sundalo, isang paglabag sa karapatang pantao ng sinomang tinamba-ngan. Pinabulaanan ni Tutaan na sinabi niya ito. Tumakbo umano ang mga EDC personnel para kunin ang mga napatay at nabuhay. Tila nasa kamay ng isang Jejemon texter ang mobile phone ni Leonard.
Isa si Leonard sa pinaka-mahusay na produkto ng U.P. Masugid niyang pinag-aralan ang mga halaman sa Sierra Madres, kabilang ang higanteng bulaklak na ipinangalan tuloy sa kanya, rafflesia leonardi. Isina-libro niya ang mga halamang gamot sa Cordilleras at Palawan. Kung hindi siya pinaslang sa edad-56, marami pa siyang ituturo sa bansa.