Pilipinas Kay Ganda?
MAY bagong slogan ang Department of Tourism para makahikayat ng mga dayuhang turista na magtungo sa bansa: Pilipinas Kay Ganda!
Naniniwala ako. Para sa akin wala nang gaganda sa bansa kong sinilangan. Pero para sa mga dayuhan, ito kaya’y kapani-paniwala?
Kamakailan ay nagpalabas ng travel advisory ang United States at iba pang mga kaalyado nitong bansa na pumipigil sa mga mamamayan nito na magtungo sa Pilipinas dahil sa panganib ng terorismo.
Kung ang pang-akit mong slogan ay “Beautiful Philippines” hindi kaya ito kutyain lang ng mga dayuhan.
Sariwa pa rin kasi sa alaala ng daigdig ang madugong hostage crisis sa Maynila. Maya’t maya ay may naiuulat na mga insidente ng kidnapping na ang mga biktima ay mga dayuhan.
Mabuti-buti pa yung dating “Wow Philippines” dahil puwedeng bigyan ng positibo at negatibong kahulugan: “Wow, ganda ng Pilipinas” o kaya, “wow exciting sumuong sa panganib sa bansang ito!” Kasi’y may mga turistang sadyang mahilig magtungo sa mga lugar na mapanganib. Yung mga tinatawag na thrill seekers. Katunayan nga kahit sumasabog ang bulkan ay may mga turistang pumaparoon para manguha ng larawan. Hindi alintana ang panganib.
Kahit ang mga nasa tourism industry ay hindi sold sa slogan na “Pilipinas kay Ganda.” Kulang daw sa creativity. Walang impact na iniiwan. Kulang din marahil sa cre-dibility dahil sa mga nasabi na nating dahilan.
Baka puwede pa: Philippines – Land of Excitement and thrill!
Importante sa atin ang turismo. Nakakalikha ito ng trabaho lalu na sa mga tourist guide at mga pook libangan na ang mga kliyente ay turista.
Kaya ang unang-unang dapat gawin ay resolbahin ang mga security issues para ang ating bansa ay hindi maging katatakutan sa mata ng mga banyaga.
- Latest
- Trending