Editoryal - Kapag hindi napigilan paglobo ng mga Pilipino.

ALAM n’yo ba na kapag hindi napigilan ang pagdami ng mga Pilipino, maaaring matulad ang Pilipinas sa Somalia? Iyan ang sinabi ng American population expert na si Malcolm Potts. Sa loob daw ng 40 taon o sa 2050 kapag hindi napigilan ang pagdami ng mga Pilipino, mararanasan ang pinakamasamag ekonomiya, wasak na kapaligiran at walang seguridad. Sa Somalia, halos magpatayan ang mga tao dahil sa kawalan ng pagkain. Habang naghihirap ang mamamayan, walang tigil naman sa pangungurakot ang mga opisyal ng gobyerno. Sa Somalia, makikita ang mga batang malalaki ang tiyan pero maliliit ang braso at binti. Walang kasinghirap ang buhay sa nasabing bansa.

At ganyan daw ang kahihinatnan ng Pilipinas sa hinaharap kapag hindi nakontrol ang pagdami ng mga Pilipino. Dapat na raw maipasa ng Kongreso ang Reproductive Health Bill para ganap na mabigyan ng pagkakataong makapili ang mag-asawa ng kanilang gagamitin para sa pagpaplano ng pamilya — contraceptive pills, condom at iba pa.

Tutol ang Simbahan sa Reproductive Health Bill. Mas pinapaboran nila ang natural na pamamaraan ng pagpaplano ng pamilya gaya ng abs­tinence at ng fertility beads para sa mga kababaihan.

Sa kasalukuyan, nasa 96 million ang mga Pilipino at ang sabi, bago raw matapos ang 2010 ay maaaring umabot sa 96.4 million ang mga Pinoy. Dumami ang isinilang na sanggol sa loob ng tatlong buwang panunungkulan ni President Noynoy Aquino. Si Aquino ay pumapabor sa RH Bill.

Maaaring magkaroon ng katotohanan ang mga sinabi ni Malcolm Potts. Ngayon pa nga lang ay nararamdaman na ang pagkawasak ng kapaligiran dahil sa kawalang disiplina ng mga tao. Walang disiplina sa pagtatapon ng basura kaya naman nagkakaron ng mga pagbaha. Mas­yado nang nasalaula ang kapaligiran at paano   pa kung patuloy sa pagdami ang mga Pinoy.

Show comments