Wish namin kay Pacman

Tagumpay na naman Pambansang Kamao

talagang sa lakas ay walang tumalo;

Matangkad mabigat si A. Margarito

sa suntok ni Paquiao halos bulag ito!

Kahi’t na matangkad ang kanyang kalaban

mukha ni Goliath abot din ni Pacman;

Bawa’t suntok nitong ating kababayan

katulong ang Diyos kaya nagtagumpay!

Kahanga-hanga pang itong bida

siya’y propesyonal at honest pa;

Sa huling dalawang round – alalay lang siya

sapagka’t kalaba’y alam n’yang talo na!

At itong si Pacquiao dahil madasalin

pati ang kaaway ay mahal n’ya pa rin;

Kahi’t ang kalaban kayang pabagsakin –

hindi n’ya ginawa at ayaw hiyain!

Dahil sa maingat sa kanyang paglaban

kanyang “body language” ay mapagmamasdan –

Hudyat ng referee ay inaabangan

hinihintay niyang itigil ng laban!

Lahat sanang boxer kahapon at ngayon

may diwa at puso ng tunay na kampeon;

Ang bawa’t panalo ay handog sa Poon

at sa ating baya’y dangal ang pabaon!

Sa mga tagumpay na iyong nakamit

kaisa mo kami sa lahat ng saglit;

Huwag masamain ang aming simple wish

sana’y palagi kang matapat umibig!

Mahalin mong lubos ang asawa’t anak

at ang ating bayang sandigan ang hanap;

Doon sa Kongreso’y dalhin ang watawat

upang ang korapsiyon ay maglahong ganap

Sa ngayon ay isang katulad mo lamang

ang makahahango sa dusa ng bayan;

Doon sa Kongreso ituloy ang laban

ikaw ang bayaning aming kailangan!

Show comments