Insulto naman iyan!

SOBRA naman ang mga pahayag ng “eksperto” na ito. Ayon kay Malcolm Potts na isang eksperto umano sa populasyon, nagbabala na magiging tulad ng Somalia ang Pilipinas sa taong 2050 kung hindi babantayan ang paglaki ng populasyon. Sa ngayon, nasa mga 90 milyong katao na ang Pilipinas. Lolobo raw ito ng 160 milyong katao kung hindi raw ipapasa ang RH Bill na mainit na pinagtatalunan sa Kongreso. Sa madaling salita, ineendorso ni Potts ang RH Bill. Siyempre, may kokontra mula sa mga hanay ng tumututol sa RH Bill. Pero tingnan na muna natin kung may basehan ang kanyang babala.

Medyo naiinsulto ako sa pahayag ni Potts. Para ikumpara ang Pilipinas sa isang bansa na halos wala nang batas at namumugad pa ng mga pirata ay insulto talaga. Una, malayo ang klima ng Pilipinas sa Somalia. Marami tayong natatanim na pagkain sa bansa natin dahil kahit papano, may ulan sa Pilipinas. Hindi ganun sa Somalia kung saan wala yatang kahit anong tanim ang nabubuhay! Marami pa tayong industriyang pagkain na nabubuhay katulad ng babuyan at manukan.

Sa kultura, malayo rin tayo sa Somalia. Kahit papano, maraming edukadong tao sa Pilipinas kumpara sa Somalia. Namumuno ang isang gobyerno, di tulad sa Somalia na kanya-kanyang mga pribadong army na nagpapatayan. Sa Pilipinas, ang balota pa rin ang umiiral, habang sa Somalia, baril ang umiiral. Malayong-malayo tayo sa kanila. At para sabihin ng isang “eksperto” na sa loob ng apat na dekada ay matutulad o magiging mas masahol pa tayo sa Somalia ay kalokohan!

Ang isyu niya ay pagkain. Lolobo raw ang populasyon ng bansa sa loob ng apat na dekada kung hindi babantayan ito sa pamamagitan ng RH Bill. Magkukulang ang pagkain, kaya magkakagulo, magkaka-civil war, matitibag ang gobyerno, iiral ang anarkiya. Pero hindi. Iba pa rin ang Asya sa Africa. Iba ang bansang may demokrasya. At ibahin niya ang Pilipino. Kailangan na muna niyang magbasa ng kasaysayan natin, lalo na itong nakaraang apat na dekada, kung naging masama tayo sa loob ng panahong iyon. Kung RH Bill ang kanyang tinutulak, nagkamali siya sa kanyang argumento para dito. Hindi dapat siya mang-insulto, kung nais niyang panigan siya sa isyu!

Show comments